Abante Tonite Interactive

Paboritong ulam ng guwapong aktor itinapon sa basurahan

By
1,857

Kailangan nang magdesisyon ng isang guwapo at kilalang aktor kung ipagpapatuloy pa niya ang pakikisama sa kanyang misis na non-showbiz.

Araw-araw na kasi silang nag-aaway, hindi maintindihan ng guwapong aktor kung ano ang gustong mangyari ng kanyang misis, gulung-gulo na ang kanyang isip ngayon.

Maraming nakarelasyong artista ang guwapong aktor, pero ang non-showbiz girl ang na­ging kapalaran niya, nagpakasal sila.

Kuwento ng aming source, “Pero ilang months pa lang silang nagsasama, e, nakita na agad ng guy na mukhang hindi sila magtatagal. Paiba-iba kasi ang ugali ng girl, minsang okey siya, pero mas madalas na hindi.

“Palagi niyang hinaha­napan ng mali ang mga ginagawa ng husband niya, wala siyang ginawa kundi ang tumawag nang tumawag para mag-check kapag may trabaho ang guy.

“Pero ang nakakaloka, e, nu’ng tumawag ang wife niya, ipinagluto raw siya ng paborito niyang ulam, kaya kailangang umuwi siya agad para magkasalo sila sa dinner. E, totoo namang napaka-traffic kahit saan, kaya na-late siya nang isang oras sa ipinangako niyang time.

“Nagso-sorry naman siya habang nagda-drive, okey naman ang girl, kaya wala siyang problema. Pero heto na. Pagdating niya sa bahay, wala na ang inilutong ulam ng girl, itinapon na sa basurahan!

“Na-late daw kasi siya, nawalan na raw ng ganang kumain ang wife niya, kaya itinapon na lang ang ulam na dapat, e, pagsasaluhan nila sa dinner! Galit na galit siya, pero ayaw niyang manakit, kaya umalis na lang uli siya ng bahay.

“Kumain na lang siya sa isang food chain, nanood siya ng sine para magpa­lipas ng init ng ulo. Text nang text ang wife niya, tumatawag din, pero binubura niya agad ang message.

“Pag-uwi niya, ang lambing-lambing sa kanya ng girl, parang walang nangyari, parang walang ulam na itinapon sa basurahan! Nakakaawa ang male personality na ‘yun, kaya kailangan na niyang magdesisyon!” pagtatapos ng napapailing naming source.

Papatay kay Coco, buong bayan ang makakalaban

Grabe ang lagnat ng buong bayan para sa seryeng Ang Probinsiyano. ‘Yun lang ang palabas na umaabot nang mahigit na kuwarenta porsiyento ang rating.

Umaamot lang ng rating sa serye ang maraming programa, bukod-tanging ang serye lang na pinagbibidahan ni Coco Martin ang hindi natitinag sa ituktok ng tatsulok, kaya malayung-malayo pa ang pagtatapos ng seryeng ito.

Kahit anong eksena ang ihain nila sa manonood ay kinakagat. Pati ang parang totoong-totoong pagduduwelo ni Cardo at ni Marco (JC Santos) ay pinagpista­han, maraming kababayan natin ang nabagabag dahil baka patay na nga si Cardo, ‘yun pala’y panaginip lang ni Alyanna (Yassi Pressman) ang lahat ng mga eksena.

Sabi ng kaibigan naming­ propesor, “Nakakaloka! Panay-panay ang text ng mga friends ko! Patay na raw si Cardo, pinagbabaril daw ni Marco sa hanging bridge, pero bahagi lang pala ‘yun ng panaginip ni Alyanna!

“Apektado ang mga televiewers, para talagang si FPJ si Coco Martin na kapag pinagtangkaang patayin, e, buong bayan ang kalaban ng kalaban niya!” natatawang kuwento ni prop.

Pero isang source ang nagkuwento sa amin na kailangang ayusing mabuti ang script ng serye kung hindi pa ‘yun tatapusin. May gagawing pelikula si Coco na kasama si Vic Sotto para sa MMFF.

Ninipis nga namang masyado ang lakas ng sikat na aktor kung sabay niyang gagawin ang pelikula at ang kanyang serye.

Iisa lang ang kanyang katawan, wala namang tindahang nagbebenta ng lakas, kaya kung dalawang trabaho ang kanyang aasi­kasuhin ay kailangang gamutin ang script ng Ang Probinsiyano.