Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Paboritong ulam ng mga biyahero

0 171

Nitong nakalipas na linggo, ako ay nagkaroon ng pagkakataon na makapunta sa lalawigan ng Catanduanes bilang bahagi ng pagpapatuloy ng serbisyo publiko na bahagi ng krusada ng organisasyon na aking kinaaniban.

Hindi biro ang naging paglalakbay ng grupo dahil ito ay kombinasyon ng matagal na biyahe sa kalupaan at halos limang oras na paglalayag sa karagatan.

Mula National Capital Region ay 12 oras na naglakbay sa lansangan ang aming convoy na kinapapalooban ng limang sasakyan bago makarating ng pantalan ng Tabaco City sa lalawigan ng Albay, kung saan, kami ay sumampa sa ro-ro patungo ng bayan ng Virac sa Catanduanes.

Sa naturang paglalakbay ay isa lang ang napansin ko sa mga kainan na aming tinigilan; hindi nawawala sa mga putahe ang bulalo, papaitan at tinolang native na manok.

Sa aking pagtatanong kung bakit halos lahat sila ay mga ganitong uri ng pagkain kahit na magkakatabi lamang ang mga puwesto, ang sagot ng mga nagtatrabaho sa kainan ay dahil paborito daw ang mga ito ng mga biyahero, lalo na ang mga sa gabi naglalakbay.

Sa ibang bahagi ng Luzon ay ordinaryo na lamang ang bulalo, nilaga at papaitan, pero sa ruta patungo ng Bicol ay nadagdagan pa ito ng tinolang native na manok.

Mahihilig daw kasi sa medyo maanghang-anghang na sabaw ang mga biyahero pa-Bicol kaya malakas ang bentahan ng tinolang manok.

Maaring tama sila dahil nang tikman ko ang sabaw ay gumuguhit ang linamnam nito sa lalamunan at tumutulong na buhayin ang diwa ang isang drayber na nakakaramdam na ng antok at pagod dahil sa iba’t ibang situwasyon ng mga lansangan na tinatahak.

Masarap ang kombinasyon ng sabaw sa talbos ng bagong pitas na dahon ng sili na puwedeng banatan ng sawsawan na pinagsamang patis, kalamansi at original na siling labuyo (maliliit na mapupula) kaya manamis-namis higupin.

Kaya kahit paano, enjoy naman ako sa pagmamaneho sa kabila ng ilang mga sablay na pangyayaring naranasan ng aming grupo pagdating sa pantalan ng Tabaco City.

Pag nagawi kayo ng Bicol area, subukan niyo rin ang tinolang native na manok sa mga tigilan.

Malalaman niyo naman na masarap ang pagkain na isinisilbi sa mga ito dahil marami kayong makikitang nakaparadang mga sasakyan, ibig sabihin ay maraming tumitigil para kumain.

Ayos ba?

Leave A Reply

Your email address will not be published.