Abante Tonite Interactive

Pabrika ng bakal sa Pampanga sumabog, 7 sugatan

291

Pito katao ang sugatan sa pagsabog na naganap sa isang pagawaan ng bakal sa San Simon, Pampanga na na­ging dahilan ng sunog Sabado ng gabi.

Ayon sa ulat ng Bureau of Fire Protection ng San Simon, dakong alas-11:30 ng gabi nang marinig ang isang malakas na pagsabog mula sa SKK Steel Corporation na matatagpuan sa Santa Monica Street sa nasabing bayan.

Ayon kay Fire Officer 3 Araid Macapayag, arson investigator ng BFP San Simon, matapos ang malakas na pagsabog ay nagkaroon ng sunog sa lugar pero agad nilang naapula ang apoy.

Sa ngayon ay wala pang detalye sa pagkakakilanlan ng mga sugatang biktima maliban sa isa umanong Chinese national na nagsisilbing consultant ng kompanya.

Dinala ang mga sugatang biktima sa Pampanga Premier Medical Center at Jose B. Lingad Memorial Regional Hospital para malapatan ng lunas ang mga tinamong sugat.

Patuloy naman sa pag-iimbestiga ang mga awtoridad kung saan nagmula ang pagsabog at kung sino ang responsable sa insidente. (Edwin Balasa)