Abante Tonite Interactive

Pacific Online binitiwan ang operator ng mga lotto outlet

423

Binitiwan na ng Pacific Online Systems Corp. ni Willy Ocier ang Lucky Circle Corp. na nag-o-operate at nanga­ngasiwa ng mga outlet na nagbebenta ng lotto, Keno, at iba pang mga gaming product ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Binili ng Pacific Online ang Lucky Circle noon pang Oktubre 2008 at ibinenta nito sa Maison Noble Holdings Inc. ng mahigit sa P125 milyon.

Sabi ng Pacific Online, dinesisyonan ng Board of Directors nito na ilaan ang focus ng kompanya sa negos­yong pagbibigay ng makabago at mahusay na pasilidad at mga kagamitan para sa online gaming.

Pinauupahan ng Pacific Online sa PCSO ang online lottery system na ginagamit nito para sa lotto. Pinauupahan din nito sa PCSO ang mga kaga­mitan para sa Keno.

Dagdag nito, na­ging mahirap na ang online gaming business dahil sa pagsulpot ng parang kabute ng mga sugalan, ligal man o hindi.

Babayaran ng cash sa Pacific Online ng Maison Noble Hol­dings ang pagbili nito sa Lucky Circle.

Sabi ng kompanya, tatlo hanggang apat na taon nang nalu­lugi ang Lucky Circle at may epekto ito sa kita ng Pacific Online na parent company nito. Dahil nabenta na ang Lucky Circle, hindi na kasama sa libro ng Pacific Online ang mga lugi nito. (Eileen Mencias)