Abante Tonite Interactive

Pacquaio sasakay ng jet

535

Hahabol sa SONA:

Manalo o matalo sa bakbakan kay WBA ‘super’ welterweight champion Keith Thurman sa MGM Grand sa Las Vegas ngayong araw, sasakay ng private jet si Manny Pacquiao pabalik sa Pilipinas upang makadalo sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte Lunes, Hulyo 22.

Isang impormante ng online news site na politics.com.ph (Politiko) ang nagsabing bibiyahe agad ang ‘Pambansang Kamao’ na isa ring halal na senador, sakay ng private plane para dumalo sa opening ng 18th Congress at Senado pati na sa SONA ni Duterte.

Sinasabing naka-standby ang private jet sa McCarran International Airport para ibiyahe si Pacquiao pabalik ng ‘Pinas anumang oras matapos ang kanyang laban.

Ang ang pinakamabilis na direct commercial flight mula Las Vegas patungong Maynila ay hindi bababa sa 18 oras.

Pero ayon sa source ng Politiko, kayang makuha ng 13 oras lamang ang biyahe ni Pacquiao sa private plane, na sinasabing isang G8, katulad ng ginagamit ni Floyd Mayweather, Jr. sa kanyang paglilibot sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Ang inaugural session ng 18th Congress ay pormal na magsisimula sa Senado alas-9:00 ng umaga, habang ang SONA ni Duterte ay alas-4:00 ng hapon.