Abante Tonite Interactive

Pacquiao dinaga sa laban ni Jimuel

542

Hindi napanood nang personal ni Sen. Manny Pacquiao, nag-iisang eight division champion sa kasaysayan ng boksing sa mundo, ang laban ng panganay niyang si Jimuel nitong Sabado kung saan ay na-knockout nito ang kalabang si Miguel Egan sa isang amateur bout sa Amoranto Sports Complex sa Quezon City.

Sa video na lamang napanood ng Pambansang Kamao ang pakikibangasan ng anak. Pero aminado siyang kinabahan sa laban nito.

“Kinabahan kami kahit sa video lang kami nanood,” wika ni Pacquiao sa panayam ng Inquirer.net.

Magkagayun man ay proud pa si Pacquiao sa pinakita ng kanyang anak sa unang pagsabak sa amateur boxing at nag-share pa siya ng ilang video clip sa kanyang Instagram account.

Sumabak sa kauna-unahang boxing match ang 18-anyos na si Jimuel laban sa mas may edad na 26-anyos na si Egan at tinalo niya sa pamamagitan ng second rouond stoppage. (Fergus Josue, Jr.)