Abante Tonite Interactive

Pacquiao epal sa Speakership race

671

Inupakan ni outgoing House Minority Leader at Quezon Rep. Danilo Suarez si Senador Manny Pacquiao dahil sa pagsawsaw nito sa pulong ng kanilang mga kapartido tungkol sa liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Ito’y matapos marinig ni Suarez ang balitang pumagitna si Pacquiao sa pulong nitong Martes nang gabi ng tatlong miyembro ng Partido Demokratiko Pi­lipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) na nag-aambisyong maging Speaker ng Kamara.

Ayon kay Suarez, hindi niya maintindihan ang pag-akto ni Pacquiao bilang negosyador sa kanyang mga kapartido dahil hindi naman ito miyembro ng Kamara.

“Bakit kay Senator Pacquiao sila magmi-meet? I’m just surprised. Why don’t they just meet at the PDP office. Why does it have to be in the residence of Sen. Manny,” pahayag ni Suarez.

Nabatid na bukod kay Pacquiao, narooon din sa pulong na ginanap sa bahay nito sa Forbes Park, Makati City si Senador Aquilino ‘Koko’ Pimentel III, PDP-Laban president. Dumalo sa pagpupulong sina Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez, Marinduque Rep. Lord Allan Velasco at Pampanga Rep. Aurelio Gonzales, Jr. na pawan­g nag-aambisyong masungkit ang liderato ng Kamara.

Si Pacquiao na nagsilbing overall campaign manager ng PDP-Laban noong midterm elections ay tinangkang pagkasunduin ang tatlong kapartido upang magkaroon sila ng isang opisyal na kandidato sa pagka-Speaker sa pagbubukas ng Kongreso sa Hulyo.

Giit ni Suarez, alam dapat ni Pacquiao ang kalakaran sa Kamara dahil anim na taon din itong nanilbihan bilang kongresista ng Sarangani at hindi naman nakikisawsaw ang mga mambabatas ng Kamara sa usapin na may kinalaman sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso katulad ng Senate presidency na siya rin mismo ang umayos noong nakaraang linggo.

“Hindi naman kami nakikialam kung sino Senate president,” paliwanag ni Suarez.

“The decision of who will lead the House should be with the (House) members only,” dagdag pa ng kongresista.

Napag-alaman ng Abante Tonite na nakatakdang makipagpulong si Pacquiao kay Pangulong Rodrigo Duterte na kasalukuyang chairman ng PDP-Laban upang humingi ng payo kung sino sa tatlo nilang kapartido ang dapat piliin para pamunuan ang Kamara ngayong 18th Congress.

Una nang nagsabi ang Pangulo na hindi siya makikisawsaw sa bakbakan para sa liderato ng Kamara dahil halos puro kaibigan niya ang kasalukuyang nag-aambisyon sa nasabing posisyon.

Samantala, nabatid na walang kasunduang nabuo sa nasabing pulong.
Inihayag ni Pimentel na maituturing na “nice and friendly with great camaraderie” ang kanilang pag-uusap.

Kasabay nito, sinabi ni Pimentel na itinalaga niya si Pacquiao bilang authorized person para mag-anunsyo sa magiging desisyon ng PDP-Laban hinggil sa Speakership race.(JC Cahinhinan/Dang Samson-Garcia)