Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pacquiao ingat ka sa pekeng ebidensiya – Lacson

0 122

Plano ni Senador Manny Paqcquiao na ibunyag ang mga pruweba ng diumano’y korapsiyon sa gobyerno na umabot pa sa top level, bago ito tumulak papuntang Estrados Unidos para magsanay sa laban niya sa Agosto kontra Erroll Spence Jr, ayon kay Senador Panfilo `Ping’ Lacson.

Sabi ni Lacson, nagkita sila nina Pacquiao at Senate President Vicente `Tito’ Sotto III noong Huwebes, kung saan pinag-usapan nila ang tungkol sa lumalalang hidwaan sa pagitan ng boxing champion at ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“Sabi niya ‘Alam mo boss, marami akong balak’. Mukhang desidido siya. Sabi niya nga `Talagang kumpleto ako, hindi ako magsasalita nang wala’,” sabi ni Lacson sa isang panayam sa radyo.

“At sabi niya, abot daw hanggang itaas `yong kanyang hawak. Sabi niya ‘Bago ako umalis ng Sabado, meron akong ibabahagi sa mga media’,” ani Lacson.

Nakatakdang lumipad papuntang Los Angeles, USA si Pacquiao sa Sabado para ipagpatuloy ang kanyang training sa laban niya kay Spence sa Agosto 21.

Subalit pinayuhan umano ni Lacson si Pacquiao na suriing mabuti ang mga dokumentong ipinapadala sa kanya.

“Sabi ko ‘Pero medyo tignan mo ring mabuti kung ano yung hinahawakan mo, mahirap na baka mapasukan ka ng fake na ebidensya o dokumento, ang balik niyan sayo matindi’,” sabi ni Lacson.

Si Pacquiao mismo ang humiling na makausap umano silang dalawa ni Sotto.

“May usapang politika rin doon at bilang mga kapwa senador, pinag-uusapan namin ano `yong way forward. Maganda naman `yong naging usapan,” dagdag ng senador. (Dindo Matining)

Leave A Reply

Your email address will not be published.