Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pacquiao itsapuwera na sa PDP-Laban

0 93

Itsapuwera na si Senador Manny Pacquiao sa PDP-Laban matapos ang pormal na nominasyon nina Pangulong Rodrigo Duterte at Senador Bong Go bilang pambato ng partido sa 2022 elections.

Pormal na ring tinanggap ng Pangulo ang nominasyon sa kanya bilang vice presidential candidate ng paksyon ni Cusi sa PDP-Laban.

Nagpasalamat ang Pangulo sa mga miyembro ng partido na itinulak ang kanyang kandidatura para maipagpatuloy ang kanyang pangako na pagsilbihan ang sambayanang Pilipino.

“I am hopeful that this will allow me to continue serving the Filipino people and lead the entire nation towards greater progress,” pahayag ng Pangulo sa PDP-Laban national convention na ginanap sa Pampanga nitong Miyerkoles.

Samantala, itinulak din ng paksyon ni Cusi ang kandidatura ni Senador Bong Go sa pagka-pangulo.

Gayunman, naglabas ng pahayag si Go para magpasalamat subalit tinanggihan ang nominasyon niya para maging kandidato sa pagka-pangulo.

“Inuulit ko, hindi po ako interesadong tumakbo sa pagka-Pangulo sa darating na halalan,” sabi ni Go sa kanyang video message.

Gayunpaman, pinasalamatan nito ang partido dahil sa pagkonsidera sa kanyang bilang presidential candidate ng PDP-Laban.

“Unahin ninyo na lang po ang may gusto. Ang importante ay hanapan natin ng katimbang si Pangulong Duterte upang maipagpatuloy ang pagbabago. `Yon ang continuity na inaasam natin,” sabi pa ni Go.

12 Senate bet inanunsiyo

Inihayag din ng paksyon ni Cusi ang kanilang opisyal na lineup para sa senatorial election.

Kabilang sa kanilang lineup ay ang mga sumusunod: Labor Secretary Silvestre Bello III, Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo, Transportation Secretary Arthur Tugade; at Leyte Rep. Lucy Torres-Gomez.

Mga guest candidate naman sina Presidential Spokesperson Harry Roque, Public Works and Highways Secretary Mark Villar, Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Chairman Greco Belgica at Cong. Rodante Marcoleta. (Aileen Taliping/Prince Golez/Dindo Matining)

Leave A Reply

Your email address will not be published.