Abante Tonite Interactive

Pacquiao, magpo-produce ng RELIGIOUS movie

By
Manny Pacquiao
8

PINAG-IISIPAN ng Pambansang Kamao na si Sen. Manny Pacquiao na mag-produce ng pelikula.

Maaring siya ang bida o baka kumuha rin ng ibang artista at nasa production lang siya.
Ang gusto niya ay makagawa ng pelikula na hango sa Bibliya.

Pahayag ng ating Pambansang Kamao, “Nag-iisip ako na gumawa ng isang Christian movie.

“Depende sa story. Gusto ko, mag-produce gaya ng story ng Joseph the Dreamer, o kay Da­niel.

“Gusto ko ‘yung magbigay ng inspirasyon sa mga tao. Kasi, wala ta­yong movie na makapagbigay inspirasyon sa mga tao lalo na sa mga kabataan.”

Nakatsikahan namin si Sen. Pacquiao sa grand opening ng pangatlong branch ng Ka Tunying’s Café na nasa Food Hall ng Terminal 3 ng NAIA.

Siya ang special guest ng mag-asawang Anthony ‘Ka Tunying’ at Rossel Taberna na nag-cut ng ribbon kasama sina Ba­yani Agbayani, Tintin Bersola at ang mag-asawang Eddie & Melinda Sia ng Petrol.

Kagagaling lang ni Pacman mula Korea kung saan nag-Pasko ang buong pamilya.

Hindi siya tumuloy ng Gen. Santos City dahil kailangang daluhan niya ang naturang opening ng kaibigan.

Si Ka Tunying ang isa sa mga ninong ng anak niyang si Israel.

Doon na rin nilinaw ni Sen. Pacquiao na wala pang pinag-uusapan na rematch nila ni Floyd Mayweather.

May mga nagsasabing sa April o May na ito.
“Wala pa. Wala pa ‘yun,” mabilis na sagot ng boxer/senator.

Sa ngayon ay gusto lang niyang magsilbi sa taumbayan at tuluy-tuloy lang ito.

Ipinagkibit-balikat na lamang niya ang biro ni Pres. Rodrigo Duterte na siya ang susunod na pangulo ng bansa.

“Wala sa isipan natin ‘yan. Basta ang atin lang, gampanan ang trabaho natin. Kasi, ‘yun ang purpose natin kaya nandiyan tayo sa senado.

“Wala akong ibang hangad kundi ipakita ang tamang serbisyo at katotohanan sa taumbayan,” deretsong pahayag ni Sen. Pacquiao.