Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Padayon, programa pangkultura mapapanood on-line

0 228

Ang Pambansang Komisyon Para sa Kultura at mga Sining, na mas kilala bilang National Commision for Culture and the Arts (NCCA) sa pangunguna ni Tagapangulo Arsenio “Nick” Lizaso, Punong Tagapagpaganap Al Ryan S. Alejandre, Pangalawang Punong Tagapagpaganap Marichu G. Tellano, at Supervising Officer for Administration Bernan Joseph R. Corpuz, kaisa ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas – Tanggapan ng Tagapangulo (CCP), ay inilunsad na ang isang programang pangkultura, na mapapanood online, ang Padayon: the NCCA Hour.

Ang Padayon: the NCCA Hour ay binuo alinsabay sa mga pagbabagong dulot ng “new normal.” Layunin ng programang gamitin ang panahon ng kwarentina upang mas pag-alabin ang pagmamahal at palawigin ang interes ng sambayanan sa sining at kultura, at mahikayat ang lahat na mas ikarangal pa ang pagiging Filipino.

Ang programa ay may tatlong pangunahing segment –Sining Aral, Sining Saya, at Samot Sining; mayroon din itong apat na maiiksi ngunit katangi-tanging segment na pinamagatang Bukang Isip, Laro Tayo, Siningspirasyon, at Sining Galaw.

Ang Sining Aral ay naglalayong magbigay kaalaman at maging gabay sa pagkatuto ng mga manonood. Ilan sa mga paksang tatalakayin rito ay ang ating mga apikong bayan, ang kasaysayan ng Pilipinas, ang mga akdang Noli Me Tangere at El Filibusterismo, ang iba’t ibang mga wikang Filipino, at marami pang iba.

Pagbibigay kaalaman at kasiyahan naman ang layunin ng Sining Saya, kung saan itatampok ang mga batikang personalidad mula sa iba’t ibang larangan ng sining at mga natatanging pagtatanghal, na may mga anotasyon mula sa mga hosts at ilang eksperto.

Ang Samot Sining naman ay naglalayong magbalita tungkol sa mga proyekto at aktibidad ng 19 pambansang komite ng NCCA at mga outreach programs ng Tanggapan ng Tagapangulo ng CCP sa iba’t ibang mga rehiyon. Mapapanood rito ang mga panayam kasama ang mga kinatawan ng NCCA at iba pang mga personalidad mula sa sektor ng kultura at sining.

Tampok sa Bukang Isip ang mga capsule interviews ng mga tanyag na personalidad mula sa sektor pangkultura; sa Laro Tayo, itatampok naman ang “Question of the Day” na maaaring sagutin ng mga manonood sa dulo ng programa; sa Siningspirasyon, ipapakita naman ang mga kahanga-hangang kwento ng mga artists ngayon lockdown; habang sa Sining Galaw naman ibabahagi ang iba’t ibang mga pagtatanghal at obra mula sa ating mga local artists.

Matutunghayan sina Rene S. Napenas, Puno ng NCCA Public Affairs and Information Section, Annie Luis, Puno ng International Affairs Section, at Ferdie Isleta, Officer-in-Charge ng Plan/Policy Formulation and Programming Division at Puno ng Arts Section, bilang mga hosts ng naturang programa.

Ang Padayon: the NCCA Hour ay mapapanood tuwing Lunes, Miyerkules, at Biyernes, habang ang Padayon Presents, kung saan ipapalabas ang iba’t ibang mga programang pantelebisyon ng NCCA, tulad ng Dayaw, Buhay na Buhay, at Sagisag Kultura TV (Likhang Yaman at National Artist Series), ay matutunghayan naman tuwing Martes at Huwebes, 3PM hanggang 4PM, sa NCCA Facebook page.

Ang first episode ay itinanghal kamakailan, nitong Martes, ika-28 ng Hulyo, 2020.

Ang Padayon ay hango sa salitang Bisaya na nangangahulugang “sulong o magpatuloy sa gawain.”

Para sa karagdagang kaalaman, maaari kayong makipag-ugnayan kay G. Rene Napeñas, puno ng Public Affairs and Information Section, sa numerong 0928-5081057, 527-2192 loc 625, o sa pamamagitan ng email: ncca.paio@gmail.com. Maaari ding bumista sa www.ncca.gov.ph.

Leave A Reply

Your email address will not be published.