Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Padyak na pa-Taguig!

0 981

Kung napapasyal kayo ng Taguig, napansin niyo siguro ang mga dedicated bike lanes dito. Sa BGC, Lakeshore, Cayetano Boulevard, Bayani Road, McKinley at C-6 Road ay umaabot ng mahigit 20 kilometers ang dedicated bike lanes at dinadagdagan pa namin ito.

Bahagi ito ng layunin ng lokal na pamahalaan na gawing bike-friendly and Taguig katulad ng mga modelong siyudad sa bansa at ibang parte ng mundo. Ang konsepto ng isang bike-friendly city ay hango sa tagumpay ng progresibong mga lungsod katulad ng London, Vancouver, Singapore, Paris, Tokyo, Amsterdam, Utrecht at Iloilo naman sa ating bansa.

Ang mga ganitong lugar kung saan ligtas ang mga tao na maglakad, magbisikleta o gumamit ng electric scooter at iba pang non-motorized forms ng transportasyon ay maituturing nating “Cities of the Future.”

Kaya naman maaga pa lamang, nais nating ituloy ang nasimulan ng lokal na pamahalaan na gawing bike-friendly ang Taguig City kahit na nasa gitna tayo ng pandemya. Akma ito sa layunin ng halos lahat ng bansa sa buong mundo na bawasan ang paggamit ng mga sasakyang nagdudulot ng polusyon sa ating kapaligiran at nakakapagpalala sa problema ng climate change.

Bukod sa pagtuon ng wastong atensyon na gawing bike-friendly ang Taguig, binibigyang prayoridad din ng lokal na pamahalaan na gawing pedestrian-friendly ang lungsod. Tinataguyod natin ang active transport o walk, run at bike bilang alternatibong transportasyon.

Malaking tulong ang active transport upang mapaluwag ang daloy ng trapiko sa ating mga kalsada na magreresulta rin sa mas mabilis na paggalaw ng tao. Parte ng ating plano na makapasyal at makaikot ang lahat nang mabilis at ligtas sa maraming lugar sa Taguig.

Bilang parte ng adbokasiya na maging bike-friendly city, sa ilalim ng Mobility Office ay bumuo ang lungsod ng sarili nitong Active Transport Office (ATO). Ang ATO ang gumagawa ng masusing mga pag-aaral, polisiya at programa para matupad ang plano nating gawing pedestrian- and bike-friendly ang Taguig.

Ang ATO ang nagsasagawa ng pag-aaral para malaman kung ilan ang commuters na gumagamit ng bikes at saan dapat magtalaga ng mga bike lanes. Bukod pa rito, ang opisina ang nakatalaga na bumuo ng bike path network sa paligid ng Taguig upang makapunta ang mga siklista sa bawat sulok ng lungsod nang mabilis at ligtas.

SM food to go Banner Ad

Kasama sa pagbuo ng bike path network at bike lanes ang installation ng safety bollards at paglalagay ng mga tanim sa kalsada para maging malinis at kaaya-aya ang paglalakad ng mga pedestrians. Kalakip din nito ang koordinasyon at partisipasyon ng bawat isa para sa epektibong pagpapatupad ng mga bike lane regulations.

Pangmatagalan ang planong ilalatag ng ATO. Kasalukuyan itong bumubuo ng 10-year Active Transport Plan upang gawing bike-friendly at pedestrian-friendly ang Taguig. Upang direkta ang ugnayan at maabot ng ATO ang lahat ng komunidad, lumikha ang opisina ng isang Community Group sa Facebook na tinatawag na Bike Taguig na mayroon nang 12,000 members sa kasalukuyan. Dito kumakalap ng mga opinyon, rekomendasyon at komento ang ATO kung paano magtatagumpay, maipapatupad at pagbubutihin pa ang Active Transport Plan.

May serbisyo ring pinangunahan ang Taguig para sa mga commuter kung saan maaaring makita ang lagay ng panahon anumang oras o saan mang lugar sa loob ng lungsod. Ito ang Taguig Open Weather and Environmental Reporting System o TOWER na nagbibigay impormasyon sa kalagayan ng panahon at iba pang mga environmental reports sa tulong ng resident meteorologist ng lungsod. Makakatulong ito sa mga commuter na planuhin ang bawat biyahe o rutang tatahakin. Ang pinakabagong ulat panahon kada araw ay matatagpuan sa I Love Taguig Facebook page at website na tower-taguig.com.

Para naman sanayin ang ating mga Traffic Management Office (TMO) enforcers na gumamit ng bisikleta at maging pamilyar sa mga karapatan at responsibilidad ng mga siklista, namahagi ang lokal na pamahalaan ng mahigit 280 na bikes sa kanila bilang bahagi ng Bike Immersion Program. Tuwing Biyernes, mahigit 20 TMO enforcers ang naglilingkod bilang Bike Patrol na nakatuon sa pagpapatupad ng bike regulations sa lungsod.

Sa patuloy na pagpapatupad ng bike at active transport programs, kailangan ang kooperasyon ng mga motorista, commercial establishments at iba pang sektor para maging matagumpay ang programang ito. Nais nating ibahagi sa lahat ang kahalagahan ng pagkakaroon ng sapat na kaalaman at pag-unawa sa lahat ng gumagamit ng kalsada, ito man ay maging sasakyan, bus, bike o scooter. Dapat ay may pagbibigayan sa daan — ito ang mensahe na nais nating iparating sa bawat Pilipino na isa sa pinakamalaking hamon ng ating Active Transport sa lungsod at maging sa buong bansa.

Bukod sa lilinis ang hangin sa ating paligid at makakatulong sa kampanya laban sa climate change, ang active transport tulad ng paglalakad o pagbibisikleta ay magbubunga rin ng positibong epekto sa kalusugan at pagiging aktibo ng mga mamamayan. Tiyak na sisigla rin ang negosyo sa paligid ng mga bike lanes.

Ibig nating maging ligtas, mabilis at komportable ang paggalaw ng lahat sa lungsod ng Taguig, bata man o matanda. Layon din natin ang lahat na makapaglakad, makapagbike o gumamit ng kahit anong non-motorized transport sa loob ng lungsod.

Napakaraming benepisyo ang makukuha sa pagtangkilik sa active transport. Tiyak na makakatulong ito sa pagbibigay solusyon sa traffic sa Metro Manila, problema sa polusyon at climate change at higit sa lahat, mabuti ang epekto nito sa ating kalagayang pangkalusugan. Win-win ito para sa lahat.

Leave A Reply

Your email address will not be published.