Abante Tonite Interactive

Pag-aalis sa SRP, pinalagan

By
40

Hindi papayag ang Department of Trade and Industry (DTI) na tanggalin ang SRP o suggested retail price sa ilang pa­ngunahing bilihin.

Ito ang mariing tugon ni DTI Undersecretary Ted Pascua sa aking pa­nayam sa kanya sa radyo kaugnay sa hiling ng Philippine Amalgamated Supermarkets Association na alisin na ang SRP para bigyan ng pagkaka­taon ang mga consumer na pumili ng ibang brand ng produkto na abot-kaya ang presyo at para ma­panatili ang kompetisyon.

Paliwanag ni Pascua, mandato ng umiiral na batas na magtakda ng SRP sa mga basic commodities. Kongreso lamang aniya ang maaring magbago ng kautusang ito, kaya’t mas mabuting doon na lamang dumulog sa mga mam­babatas ang supermarket owners para ipaliwanag ang kanilang suhestiyon.

Gayunman, binigyan ng hanggang July 7 ng kasalukuyang taon ang mga stakeholders na magsumite ng kanilang position paper hinggil sa isyu ng SRP.

Paliwanag ng Presidente ng samahan ng supermarket owner na si Steven Cua na tumaas ang presyo ng basic commo­dities sa nakalipas na ­anim na buwan kaya’t dapat nang tanggalin ang SRP.

Mas maganda talaga kung may SRP, dahil kung lahat sila sabay-sabay nagtataasan, alam ng consu­mers kung ano ang karaniwang presyo ng produkto na kanyang binibili. Maipaparating agad sa DTI para mausisa kung ano ang dahilan kung magtaas man.

Kung isang brand lang ang nagtataas, hindi na natin kailangan bantayan ‘yun. Makikita agad ang kaibahan ng presyo nito sa kaparehong produkto. ‘Yung consumer pa rin ang may choice.

***

May imbitasyon para­ sa mga interesado na dumalo sa Kapihang Wika na gaganapin sa 7 Hulyo 2017, 9:00 ng umaga sa Bulwagang Norberto Romualdez, Komisyon sa Wikang Fili­pino, 2/P Gusaling Watson, Kalye J.P. Laurel, Malacañang Complex, San Miguel, Lungsod Maynila.

Tatalakayin sa kapihan ang opisyal na pahayag ng National Committee on Language and Translation (NCLT) ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining hinggil sa House Bill 5091 na pinamagatang An Act to Strengthen and Enhance the Use of English as the Medium of Instruction in the Educational System ni dating pangulo at kasalukuyang kinatawan ng Ikalawang Distrito ng Pampanga na si Kgg. Gloria Macapagal-Arroyo.

Tampok din sa kapihan ang presentasyon ng resulta ng ebalwasyon ng mga proyektong pangwika ng aming ahensiya sa pangangasiwa ng KWF Yunit ng Monitoring at Ebalwasyon, at ang KWF Medyo Matagalang Plano 2017–2020 na ang adhika ay pagpapaunlad at pagpapalaganap ng wikang Filipino; pagpapalawig at pagpapaigting ng saliksik; pagbuo, pagpapatupad at pagsubaybay sa patakarang pangwika; at pagpapalakas ng serbisyong institusyonal.

Maaaring makipag-ugnayan kina Roy Rene Cagalingan at Wilbert M. Lamarca o tumawag sa 736-2519, o magpadala ng sulatroniko (e-mail) sa komisyonsawikangfilipino@gmail.com.