Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pag-akap ng sariling Krus nang may pagtalima!

0 235

Tungkol sa pagiging disipulo ang Ebanghelyo (Mt 16: 21-27) ngayong Ika-22 Linggo ng Karaniwang Panahon. Sa tagpo, matapos purihin ni Hesus si Pedro at ihabilin sa kanya ang Simbahan, nagalit ang Panginoon sa pagtutol nito sa plano ng Diyos tungkol sa Kalbaryong pagdaraan niya.

Nang naging malinaw para kay HesuKristo ang sasapitin niyang pagkamatay sa krus, nagsalita siya sa kanyang mga tagasunod tungkol sa kanyang darating na pagpapakasakit, pagkamatay, at muling pagkabuhay. Saad ni Hesus nasa Jerusalem ang katuparan ng kaloooban ng Ama.

Hindi nagustuhan ng Guro sa pahayag ni Pedro na huwag sana niyang sapitin ang sinasabing nakalaang sakripisyo at nilinaw sa tanan, “Kung may ibig sumunod sa akin, itakwil niya ang kanyang sarili at kunin ang kanyang krus para sumunod sa akin. Kay Pedro yamot na sinabi, “ Sa likod ko, Satanas!”

Naiintidihan natin si Pedro sa pagtutol tungkol sa paghihirap na daranasin ng kanyang Amo. Nais niyang maghari si Hesus bilang Mesiyas. Hindi maarok ni Pedro kung paano magtatagumpay ang Guro sa kanyang misyon kung mamamatay lang pala ito sa kamay ng mga kaaway?

Gayunman, sadyang iba ang pamamaraan ng Diyos sa atin. Madalas, hindi natin matanggap ang pagkasiphayo bilang parte ng buhay at tinatanong natin ang Panginoon kung bakit Niya ipinahihintulot maranasan natin ang kabiguan sa kabila ng Kanyang kapangyarihan at talino.

Malinaw ang payo ni Kristo sa lahat ng nais sundan ang kanyang yapak, “Ang naghahangad na magligtas ng kanyang sarili ang mawawalan nito ngunit ang naghahangad na mawalan nito ang makatatagpo nito.” Ang pagsunod samakatuwid kay Hesus ay pag-akap sa Krus!

Nais tayong paalalahan ng Panginoon na hindi natin maring takbuhan ang ating sariling mga krus sa buhay. Bilang mga alagad, nilinaw ng Guro na lahat ng daan ay patungong Jerusalem, at kailangan nating isakatuparan ang plano ng Diyos nang may buong pagtitiwala. Ito ang Batas ng Krus!

Pangako ni Hesus— bawat karanasan ng pagdurusa at kamatayan ay hahantong sa buhay kapag inakap natin ang ating pasanin nang may pagsuko. Maaring hindi natin maintindihan ngayon, ngunit darating ang ‘araw ng pasasalamat,’ di dahil sa gantimpala, kundi dahil sa pananatili ng Diyos kasama natin sa lahat ng hirap sa pagtahak ng landas ng Kanyang ‘misteryosong’ pag-ibig.

Leave A Reply

Your email address will not be published.