Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pag-alala kay Bonifacio at mga bagong bayani

0 150

Sa Nobyembre 30, ating ipagdiriwang ang Bonifacio Day na paggunita sa ika-158 na kaarawan ng isa sa mga bayani ng bansa na si Andres Bonifacio.

Tinagurian siyang Ama ng Himagsikang Pilipino. Si Bonifacio ay isang ordinaryong tao pero mahusay, matalino at matapang.

Ang katapangan at determinasyon niya at ng kanyang mga kasamahan sa pakikipaglaban para sa ating kalayaan ang naging inspirasyon nating mga Pilipino na ipagpatuloy ang pagbibigay serbisyo sa ating mga kababayan sa gitna ng pandemya.

Si Andres Bonifacio ay lumaki sa Tondo, Manila. Ngunit ayon sa mga pananaliksik, ang kanyang ama na si Santiago Bonifacio ay tunay na tubong Taguig. Gayundin ang kanyang lolo, lola at mga ninuno. Kaya naman malapit sa puso ng mga Taguigeños ang pangalang Bonifacio.

Ipinangalan kay Andres Bonifacio ang Barangay Fort Bonifacio sa lungsod, na dati ay kilala bilang Fort Mckinley. Dito matatagpuan ang pambansang punong-tanggapan ng Philippine Army noon. Bilang pagkilala sa marangal na tungkulin ng mga sundalong Pilipino, ang Fort Bonifacio ay naging tahanan ng mga tagapagtanggol ng bansa. Dito ay nabigyan sila ng disente at abot-kayang pabahay.

Nakakatuwang balikan ang kinikilala ngayong Barangay Fort Bonifacio na aking naging unang tahanan bilang lingkod bayan. Sa barangay na ito ay nagkaroon ako ng pribilehiyo na mahalal bilang unang kapitan. Ngayon ay isa na itong sentrong pang-ekonomiya ng bansa at simbolo ng pagsulong at modernong pamumuhay sa South ng Metro Manila.

SM food to go Banner Ad

Sa Barangay Ligid-Tipas din sa Taguig matatagpuan ang Plaza Bonifacio. Ito ay tribute para kay Andres Bonifacio at memorial para sa mga taga-Tipas na nagsakripisyo ng buhay para sa kalayaan ng bansa noong World War II.

Sa pagdiriwang na ito, ginugunita rin natin ang mga itinuturing na bayani ng ating bansa sa kasalukuyan. Pagpupugay para sa mga healthcare workers, doctors, nurses, vaccination teams at sa lahat ng walang tigil na nagseserbisyo sa gitna ng pandemya para masiguro ang kaligtasan ng lahat mula sa COVID-19.

Bayani ring maituturing ang mga nagtiwala at nagpabakuna dahil hakbang ito upang protektahan ang kalusugan hindi lamang ng sarili pero pati na rin ang kaligtasan ng bawat komunidad.

Tayo ay nasa gitna rin ng isang laban dahil sa COVID-19. Ngayon, ang paraan ng ating pagkapanalo dito ay ang pagbibigay suporta at kooperasyon ng bawat isa upang ang lahat ay manatiling ligtas.

Ang pagsasakripisyo, pagsusuot ng mask, pagsunod sa health protocols at pagpapabakuna ay ilan lamang sa mga maaari nating maitulong bilang mga mamamayan ng ating bansa.

Maaari tayong maging isang bayani sa pagiging isang responsableng indibidwal na handang tumulong sa kapwa. Sa pakikipagtulungan ay mas bababa ang mga kaso, mas dadami ang bakunado at mas maraming industriya ang patuloy na magbubukas.

Leave A Reply

Your email address will not be published.