Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pag-amin sa mali, bahagi ng lideratong may integridad

0 243

Muli at muling pinatutunayan ni Philippine National Police Chief General Guillermo Eleazar na ang kanyang liderato ay may integridad.

Ayon sa diksyunaryo, ang taong may integridad ay kailangang matapat, may respeto, mapapagkatiwalaan, marangal, responsable, may isang salita, tumutupad sa pangako at laging tumutulong sa mga nangangailangan. Para sa amin si P/Gen Eleazar ay nagpapakita ng lahat ng ito.

Bahagi ng pagiging matapat na aminin kung may mali at gawin ang nararapat para maitama ang mali. Ginawa ito ng PNP chief sa isyu ng vaccine slots for sale kung saan unang inihayag ni Eleazar na may tatlong taong kinasuhan – sina Cyle Cedric Bonifacio, Melvin Gutierrez na isang fire at barangay volunteer ng Mandaluyong City at si Nina Ellaine Cabrera, online seller ng beauty products.

Pumalag si Cabrera at nilinaw na wala siyang kinalaman sa naturang scam. Makaraan ang masusing pagrebisa sa kaso ng PNP legal team, inihayag ni Eleazar na hindi dapat kinasuhan si Cabrera. Inatasan ng PNP chief ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na iatras ang kasong isinampa laban kay Cabrera sa Mandaluyong City Prosecutor’s Office. Tuloy naman ang kaso laban kina Bonifacio at Gutierrez.

Ayon kay Eleazar, “Ang mali ay mali at hindi dapat pinaninindigan. Sa halip, ito ay itinatama upang hindi na maulit, at upang kapulutan din ng aral para maging maayos ang pagsisilbi sa taumbayan. Kagaya ng ipinangako ko kagabi, mananagot ang dapat managot kung may pagkukulang o pagkakamali na nangyari dito.”

Kaya naman mabilis pa sa alas kuwatro at agad-agad tinupad ni Eleazar ang kanyang pangako na mananagot ang dapat managot. Pinatunayan niya ito sa pamamagitan ng pagsibak sa puwesto kay Police LtCol Arnold Moleta bilang hepe ng CIDG Eastern Metro Manila District Field Unit dahil sa command responsibility at sa maling resulta ng imbestigasyon.

Ayon pa sa PNP chief, gusto niyang mapaalalahanan ang buong kapulisan na kapag may dapat gawin ay kailangang “do your best and do it right” dahil kung hindi ay titiyakin niyang mananagot ang dapat managot.

Bukod sa kanyang integridad, ipinakita rin ni PNP Chief Eleazar na hindi siya konsintidor na ama at pinuno ng mga pulis. Sa dinami-dami ng naging PNP chief natin, hindi na bago na madalas kumakampi ang mga hepe sa kanilang tauhan. Pero mula nang maupo bilang PNP chief si Eleazar, ilang beses na niyang ipinakita na hindi siya kumakampi sa mga pulis na gumagawa ng mali.

Para talaga siyang tatay na gigil na gigil kapag ang anak ay nakakagawa ng kasalanan. Hindi namin malimutan ang pigil-galit na ipinakita ni Eleazar nang iharap sa kanya ang isang pulis na pumatay sa isang lola. Halos sumabog ang kanyang emosyon at ramdam naming na gustong-gusto niyang saktan ang pulis dahil hindi nito pinahalagahan ang tungkulin bilang protector ng taumbayan sa halip ay ito pa ang pumatay ng isang inosenteng buhay.

Ipinakikita ni Eleazar na mahalaga sa kanya ang pagiging patas at makatarungan. Ipinakita niyang isa siyang lider ng kapulisan na may tunay na malasakit sa taumbayan. Ipinakita niyang tagapagtaguyod siya ng katotohanan.

Sa pamamagitan ng integridad ni Gen. Eleazar bilang PNP chief ay unti-unti ring naibabalik ang integridad ng PNP sa pangkalahatan. Kung magmimistulang virus na nakakahawa ang integridad ng ating PNP chief at mahahawahan niya ang lahat ng miyembro ng PNP, posibleng maibalik pa ang tiwala ng taumbayan sa kapulisan na kaytagal ding nawala. At kumpiyansa rin kami na habang si PGen Eleazar ang nagtitimon sa kapulisan, mangyayari ito.

Leave A Reply

Your email address will not be published.