Abante Tonite Interactive

Pag-ampon sa pamangkin

632

Atty. Claire,

Hihingi lang po ako ng payo ninyo.

Ano po ba ang puwede naming gawin para mailipat sa aming mag-asawa ang apelyido ng pamangkin ko?

Kapatid ko po ang ina ng pamangkin ko. Patay na ang kapatid ko. Ang gamit na apelyido ng pamangkin ko ay ‘yung sa kapatid ko na apelyido ko rin noong dalaga pa ako.

Hindi po kasal ang kapatid ko sa tatay ng pamangkin ko. Ang nakalagay lang po sa birth certificate ng bata ay ang pangalan ng kapatid ko. Kami na po ang nag-alaga at nagpaaral sa pamangkin ko.

Isa pa po, walang surname ang pamangkin ko kaya gusto naming malipat ang apelyido niya na amin.

May habol po ba ang tatay niya na sa simula pa ay wala namang pakialam sa bata? Ano po ba ang puwede naming gawin?

Sana masagot ninyo ang aking mga katanungan.

God bless po.

Rachel

Ms. Rachel,

Hindi ninyo basta lamang na maililipat ang apelyido ng bata sa inyo dahil kakaila­nganin ninyo siyang ampunin nang ligal bago mabago ang kanyang surname at maipalabas na anak ninyong mag-asawa.

Ang pagsang-ayon ng tunay na tatay ng bata ay kakailanganin upang tuluyang payagan ng korte ang pag-ampon sa bata.

Mas magandang makausap mo ang tunay na ama ng bata at sabihin ang planong pag-ampon dahil sa kakausapin rin naman siya ng social worker o representative mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang mabatid kung qualified ba ang bata na ampunin at kung qualified din kayo na mag-ampon.

Nagkakaroon ng isang child case study ang assigned social worker para malaman kung ano ang maa­aring maging kahinatnan ng pag-ampon sa bata.

Dahil dito ay tala­gang hahanapin nila ang mga tunay na magulang para malaman kung sang-ayon sila sa plano na ampunin ang anak niya.

Kapag nagkaroon ng magandang study ang DSWD o social worker ay malamang na sumang-ayon ang korte sa hiling ninyong maampon ang bata. Ang una nilang konsiderasyon ay kung ang lahat ng iyan ay para sa ikabubuti ng bata.

***
Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 8922-0245 o 8514-2143 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.