Abante Tonite Interactive

Pag-angat, lubog ng sports nasa mga kamay ng Korte Suprema!

228

RAMIL D. CRUZ

May tatlong linggo na ngayon nang maging espesyal na bisita ng weekly Philippine Sportswriters­ Association Forum si Gilas Pilipinas o national men’s basketball team at North Luzon Expressway coach Joseller ‘Yeng’ Guiao sa Amelie Hotel Manila sa Jorge Bocobo St. sa Malate.

Natalakay po ng inyong lingkod dito sa nakalipas na Martes ang naisiwalat din sa balitaktakang iyon ng isa pang panauhin na si Philippine Basketball Association Commissioner Wilfrido ‘Willie’ Marcial, ang ‘di pa shelved na plano ng PBA na pagkakaroon din ng women’s professional cage league sa hinaharap.

‘Di rin naman naisulat ng ating mga kasama sa hanapbuhay iyon dahil sa mas malaking istorya ang sa 18th International Basketball Federation World Cup 2019, at ang nais ko pa pong ibahagi.

Ito ay ang naibunyag ni Guiao na malamang na paglalabas na ng desisyon ng Supreme Court sa taong ito sa sinampa niyang kaso laban sa Philippine Amusement and Gaming Corporation para mag-remit ito ng 5% gross income sa Philippine Sports Commission na ipopondo para sa sports program ng bansa.

Sinesegundahan ng TP ang mga palagay ni Coach Guiao na pagpapalabas ng Kataas-taasang Hukuman ng kanilang hatol sa kaso, lalo’t nakasalalay ang epektibo at mahusay na sports program natin sa laki ng pondong dapat makuha ng PSC sa PAGCOR.

Ani Guiao binatay niya ang sapantaha niya dahil nabatid niyang hiningan nang Korte Suprema ng mga paliwanag o pahayag ang mga sangkot, lalo na ang PAGCOR. Maging ang PSC at ang Tanggapan ng Pangulo?

Kung pagbatayan ang Republic Act 6847 o PSC Act tama naman ang gustong mangyari ni Guiao, base rin sa naman batas. Dapat lang ibigay ng PAGCOR ang nararapat na matanggap ng national government sports agency.

Sa ngayon ang sinusunod kasi ay iniatas ni dating Pangulong Valdez Ramos na 5% nga. Pero mula sa gaming operations lang kaya halos 2.5% lang ang napupunta sa PSC.

Kaya tinatawagan ko po si Supremre Court Chief Justice Lucas Bersamin at ang 13 niyang Justices na sina Antonio, Carpio, Diosdado Peralta, Mariano del Castillo, Estela Perlas-Bernabe, Marvic Mario Victor Leonen, Francis Jardeleza, Alfredo Benjamin Caguioa, Andres Reyes, Jr., Alexander Gesmundo, Jose Reyes, Jr., Ramon Paul Hernando, Rosmari Carandang at Amy Lazaro-Javier para ilabas na ang hatol sa kaso.

Nasa inyong pong mga kamay mga sir at ma’am ang kinabukasan ng PH sports!