Abante Tonite Interactive

Pag-angkat sa mga nakumpiskang bigas may basbas ng NFA

265

Mariing pinabulaa­nan ng negosyanteng si Jomerito ‘Jojo’ Soliman na sangkot ang kanyang kompanyang Sta. Rosa Farm Products sa hoar­ding o pagtatago ng ­bigas at aniya, mismong ang National Food ­Authority (NFA) ang nagpapatunay nito.

Sa isang sulat na may petsang Hulyo 27, 2018, pinagtibay ni NFA Admi­nistrator Jason Aquino ang mga inangkat na bigas ng kompanya ni Soliman mula Vietnam bilang bahagi ng kautusan ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte na tanggalin ang quota sa rice importation kapalit ng pagbabayad ng 50 por­syentong taripa sa Bureau of Customs (BOC).

Kaya naman laking gulat ni Soliman nang kumpiskahin kamakailan ng BOC ang may 100,000 sako ng bigas na kanyang inangkat at pasukin din ang kanyang bodega sa Bulacan sa hinalang may mga bigas ng NFA.

Sa katunayan, ani Soliman, nangyari ang pagkumpiska habang hinihintay ng kompanya ang taripang babayaran nila sa BOC.

“Bilang isang lehi­timong negosyante, nakalulungkot na parata­ngan o tawagin kang rice hoarder samantalang ang intensyon mo ay tulungan ang pamahalaan na punan ang kakula­ngan ng bigas sa merkado,” wika ni Soliman.

Ayon kay Soliman, isa ang Sta. Rosa Farm Pro­ducts sa mga kompanyang tumalima sa panawagan ni Pangulong Duterte na tulungan ang NFA na punan ang kakulangan ng bigas sa merkado.