Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pag-armas ng mga bumbero pasado sa Kongreso

0 86

Lusot na sa Kongreso ang panukalang modernisasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP) kung saan nakapaloob ang probisyon na maaaring mag-armas ang mga piling bumbero.

Niratipika ng Kamara ang House Bill No. 7406 sa pamamagitan ng voice voting sa sesyon noong Miyerkoles.

Ang panukalang BFP Modernization Act ay isa sa mga prayoridad ni Pangulong Rodrigo Duterte na binanggit nito sa kanyang State of the Nation Address (SONA).

Niratipika na rin ng Senado ang kaparehong panukala kaya pirma na lamang ng Pangulo ang kulang upang maging ganap itong batas.

Bukod sa modernisasyon ng mga kagamitan sa pamatay sunog ng BFP, nakapaloob sa panukala ang pagtatayo ng Security and Protection Unit sa bawat rehiyon at siyudad.

Ang bawat unit ay bubuuin ng 14 na tauhan ng BFP at aarmasan upang mabigyan ng proteksyon ang kanilang kapwa bumbero habang tumutupad sa tungkulin. (Billy Begas)

Leave A Reply

Your email address will not be published.