Abante Tonite Interactive

Pag-atake ng aswang naispatan

464

Mga ka-Misteryo kuwentong karanasang aswang tayo ngayon. Ito ay batay sa salaysay sa #TeamMisteryo ni Ka Tinoy ng Caloocan.

Iyan ang ating mis­yon: “Kapag may Misteryo, Alamin ang Totoo!”
Si Ka Tinoy ay isang taxi driver kaya’t tuwing alas-tres ng madaling-araw ay umaalis siya ng bahay para mamasada.

Minsan sa paglabas niya ng garahe para mamasada ay may nakita siyang tao na nakadapa sa ibabaw ng bubong ng kanilang kapitbahay.

Ang buong akala ni Ka Tinoy ay lasing ang lalaki at marahil napag-tripan niyang uminom sa bubong at dun nakatulog na nakasubsob.

Pero nang titigan niyang mabuti ay gumagalaw ang lalaki at ito ay nakahubo’t hubad. Kitang-kita niya na sumi­silip ang lalaki sa butas at inilalabas ang kanyang dila.

Nagtataka si Ka Tinoy kung bakit walang saplot ang lalaki, nakadapa sa bubong, nakasilip sa butas at inilalabas ang dila.

Nang tanungin ng #TeamMisteryo kung ano ang ginawa ni Ka Tinoy nang makita ang lalaki.

Ka Tinoy: “Sinitsitan ko yung lalaki at tinanong ko ano ang kanyang ginagawa. Nu’ng una parang wala siyang narinig hanggang sa lumingon siya.”

Team Misteryo: “Nang lumingon ang lalaki nakita mo ba ang mukha niya? Ano ang hitsura niya?”

Ka Tinoy: “Nabigla siya nang makita ko siya kaya tinakpan niya ang mukha pero nakita ko ang mapula niyang mata at kakaiba sa karaniwan ang kanyang hitsura, para siyang maligno…kaya agad akong lumayo…pero kitang-kita ko mabilis siya kumilos talagang hindi siya basta tao…”

Team Misteryo: “Sinugod ka ba nang makita mo siya?”

Ka Tinoy: “Hindi kasi bigla ko pinaharurot ang dala kong taxi, pero parang nakipag-unahan siya sa akin… hanggang sa makita kong tumigil siya sa kabilang kanto.”

Sayang lang hindi naisip ni Ka Tinoy na kunan ng litrato ang aswang pero batay sa kanyang salaysay ay pasok ang karanasan sa mga nakakita ng aswang.

Totoong mabilis sila kumilos at may pagkakataon na naglalaho silang parang bula o nagpapalit ng anyo, karaniwan ay malaking aso o baboy.
Kahit nasa maka­bagong panahon na tayo ay hindi pa rin mawala ang ganitong mga karanasan sa mga aswang.

Ang payo ng mga eksperto kailangang bantayang mabuti ang mga buntis sa inyong lugar maging ang bagong silang na sanggol at langhap ng mga aswang ang bango ng mga baby.

Nalaman din ni Ka Tinoy na ang bahay na nakitaan niya ng aswang ay may bagong silang na baby.
***
Para sa inyong mga kuwentong karanasan ng kababalaghan at Misteryo, mag-email sa TeamMisteryo2019@gmail.com. Bisitahin ang www.reytsiba­yan.com at abante.com.ph.