Abante Tonite Interactive

Pag-ayaw ni Duterte na magpresidente si Mayor Sara, ‘di political strategy — Palasyo

385

Itinanggi ng Malacañang na taktika lamang ang pag-ayaw ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte na tumakbo sa pagka-Pangulo si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa 2022 para mas lalong dumami ang manghikayat na sumunod sa yapak ng ama.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na kapag ayaw ng Pangulo na sumunod sa kanyang yapak ang anak, ibig sabihin lamang na ayaw nitong maranasan ni Mayor Sara ang mga nararanasan niya sa ngayon, lalo na ang ginagawa ng kanyang mga kritiko.

Naniniwala ang kalihim na mahal ng Pa­ngulo ang kanyang mga anak at ayaw niyang maramdaman ni Mayor­ Sara ang mga ginagawa sa kanya ngayon ng kanyang mga kritiko at kalaban sa politika.

“The President feels na… siya eh, ang experience niya ‘di ba sabi niya, ‘mahirap maging Presidente; lalaitin ka ng tao kahit anong magandang ginawa mo.’ Since he is a father to a daughter ayaw niya sigurong maranasan ng anak niya iyong nararanasan niya ngayon,” ani Panelo.

Sinabi ng kalihim na hindi estilo ni Pangulong Duterte ang gumawa ng gimik o taktika para lamang sa ha­ngarin nito sa politika.

Makailang beses na aniyang sinabi mismo ng Pangulo na pagod na ito pero hindi niya ipagkakatiwala ang gobyerno sa ibang tao lalo na kung pansariling interes lang ang iniintindi.

Malinaw ang mensahe aniya ng Presidente sa anak na alkalde pero nasa pagpapasya na ni Mayor Sara kung ano ang susundin nito.

“He doesn’t have to say that because everybody wants her to run. I mean, a lot of people are egging her to run. Ano lang iyon, I think that’s a genuine concern for this President. He loves his children; he doesn’t want them to suffer,” dagdag pa ni Panelo. (Aileen Taliping)