Abante Tonite Interactive

Pag gusto may paraan, kahit ipinagbabawal

By
165

Habang abala ang mga rescuer sa paghahanap kung may buhay pa sa mga biktima ng gumuhong minahan sa Itogon, Benguet resulta ng hagupit ng bagyong Ompong, abala rin ang ilang lider ng Kamara sa ‘pangangahoy’ sa hinihimay na 2019 National Budget na tinatawag ngayong National Expenditure Program o NEP.

Binubusisi ng ilang matataas na opisyal ng Mababang Kapulungan ang pambansang budget para may ‘makatkong’ sa P3.757 tril­yon na kabuuang pondo ng gobyerno para sa taong 2019.

Dahil pera ang pinag-uusapan, nagkaroon ng matinding pagtatalo ang mga kagalang-galang na kinatawan ng bayan. Ang pinagtatalunan na halos humantong sa suntukan o “pisikalan” ay ‘datung,’ “taba” mula sa bilyong pisong itinuturing na ‘pork barrel.’

Pera mula sa buwis ng mga tao. Pera ng mga manggagawa. Pera ng mga ordinar­yong ‘tax payer’ na ki­naltasan na ng buwis, bago pa man makuha ang suweldo.

Bagama’t pilit itinatanggi na nagkaroon ng bangayan, ang insidente ay hindi naitago dahil pumiyok ang ilang miyembro ng Kamara – marahil hindi masaya sa na­ging hatian o partehan,’ nag-leak sa ‘media’ ang matin­ding sagutan na halos magkabuntalan ang mga ‘kinatawan ng bayan.’

Pag pera na talaga ang pinag-usapan, pakapalan na lang ng ‘mukha’ ang labanan. Paliwanag ng mga miyembro ng Kamara, tungkulin daw nila sa mga mamamayan, lalo na sa kanilang nasasakupan na kilatisin, busisiin at himayin ang pondo ng bayan.

Totoo nga naman. Bilyong pisong ‘pork’ o taba mula sa kaban ng bayan, ang nakalatag sa ‘hapag kainan,’ sino ang hindi matatakam?

Sa anumang piging o handaan, ang lahat namamantikaan, lalo na ang mga ‘kusinero’ na may alam sa pala­bigasan.

Kahit may desisyon na ang Mataas na Hukuman na iligal ang ‘pork barrel’ ang Mababang Kapulu­ngan naghanap pa rin ng paraan, “makatay’ lang ang 2019 “national budget.” Lumutang tuloy ang katagang ‘insertion’ sa pagtalakay sa panukalang national budget.

***
Nakasusuklam ang pangyayaring ito sa Kamara. Dahil sa ‘iri­ngan’ ng ilang matataas na lider ng Mababang Kapulu­ngan, nahostage ang ‘deliberasyon’ sa ‘national budget’ para sa susunod na taon.

Katuwiran ng mga ‘personalidad’ na nasasangkot, ginagawa lang nila ang kanilang trabaho na himayin ang panukalang pondo ng bayan.

Totoo talaga ang ka­sabihan. Pag gusto may paraan, kahit ipinagbabawal.