Abante Tonite Interactive

‘Pag lubog ang bayan ko, ‘di puwedeng tuyo ako

By
6,156

“Ano bang ginagawa mo? Nagpapakamatay ka ba?” Nasa kabilang linya ang nanay ko. Nakita yata iyung post ng isang netizen sa social media.

“Uminom ka agad ng gamot pagbalik mo sa opisina.” Umoo na lang ako para matigil.

Hehe. Kinabahan na naman ang nanay ko. Sa tanda kong ito, hindi pa rin siya sanay sa akin. Nagugulat pa rin siya.

Ang sabi ko lang, iikot ako para silipin ang mga nabahaan. Magdadala rin ako ng kaunting makakain dahil hindi na sila makalabas dahil sa tubig. Paglabas ko ng opisina, may 3 volunteer na nagtanong kung puwede silang sumama, sabi ko sige. Naglakad ako pababa. May nakasalubong akong 2 babae. Puwede raw bang sumali, sabi ko sige. Pasakay na ko sa trak, may humahangos na teenager, sama raw siya.

Tumango lang ako.

Basic na sa atin bilang tao na maging makabuluhan ‘pag dumara­ting ang mga sakuna at kalamidad. Hangga’t puwede, gusto nating gumawa nang mabuti. Dahil masarap sa pakiramdam na may nagagawa tayong tama para sa ating kapwa. Lalo pa at nasa gobyerno ka at alam mong marami ang aasa sa iyo.

Nilibot ko ‘yung mata ko sa trak na aking sinasakyan. Puno ‘yun ng bigas at ilang de-lata. Dadalin sa isang lugar na hanggang bewang ang tubig. Buong akala ko, kaya ng trak namin, mali pala.

Normal na sa akin kasi na maglakad nang nakatsinelas, shorts at T-shirt. Mas magaan akong nakakakilos. Nu’ng nakarating na kami sa lugar, sabi ng driver, “‘di na po kaya ng sasakyan, Mayor. Kelangan niyo na pong bumaba.”

Naisip ko, paano ko iaabot ‘yung bigas na dala ko? Kelangan ko maglakad sa tubig na hanggang bewang ang lalim. Paano kaya kung may ahas? Kung may butas? Madami pa namang road at drainage project du’n. Naisip ko naman ‘yung panganib pero sa akin kasi, ‘pag nasa ganu’ng sitwasyon, bahala na si Batman. Lusong kung lusong. Eh ‘di tinuloy ko na nga. Nagsimula na kong mamigay ng goods.

Eto maganda, lahat ng kasama ko sumunod at lumusong din. Lahat kami basa. Kala ko hanggang ganu’n na lang. Bumuhos ang malakas na ulan sa gitna ng pamimigay. Ang galing. Naisip ko… ano kasunod? Tatamaan ng kidlat ang tubig at makukuryente kaming lahat?

Ayos pa rin. Tinapos namin hanggang sa magdilim. Masaya ‘yung karanasan. May yabang sa mukha na kinaya namin at naging makabuluhan kami kahit saglit. Gusto ko kasi iparamdam na may paki ako sa nangyari sa kanila. Na ‘yung peligro ko, dapat mas grabe kesa sa kanila.

Iyung mukha ng mga taong inabutan ko ng bigas, mahirap makalimutan. May halong gulat at saya. Maraming nagpa-selfie. May nag-video pa nga at in-upload sa FB. Buo ‘yung loob ko na gumawa ng isang bagay na magpaparamdam sa kanila na kaisa ako sa kanilang sitwasyon.
‘Yun kasi ang dapat. ‘Yun ang tama. Payak man ‘yung dala, mahalaga, ang presensiya at pakikisama.