Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pag-resign ni Cayetano tablado sa mga kongresista

0 120

Nag-alok na magbitiw sa poder si Speaker Alan Pater Cayetano kahapon pero maagap na tinanggihan ng mga miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang hakbang na ito.

“I will not be a party to letting the President down. So I’m offering my resignation, here and now, to you my dear colleagues. My fate and the fate of the 2021 budget, and the fate of the leadership of the House is in your hands,” paghahayag ni Cayetano sa sesyon kahapon.

Ayon kay Cayetano, kusa siyang magbibitiw bilang Speaker para mabigyang-daan si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco na mamuno sa Kamara at mapatunayan nito kaya nitong pangunahan ang institusyon at aprubahan ang pambansang budget para sa taong 2021.

“Congressman Velasco told the President that he is ready. Then I think the best time for him to prove it is now. Gusto mo ng September 30? Sige. If our colleagues want you today, ikaw na. Let him show that he can pass the budget on time, but more than that, let him show that it will be a great budget. A budget that all of us will be proud of,” paglalahad ni Cayetano.

Matapos ang talumpati ni Cayetano, naghain ng mosyon si AnaKalusugan Rep. Mike Defensor para tanggihan ang pagbibitiw ng Speaker.

Kasunod nito, iniarya ni Deputy Speaker at Batangas Rep. Raneo Abu ang botohan (voice voting) hinggil sa pagbasura ng resignation ni Cayetano.

Naghain muli ng mosyon si Defensor para ikasa ang nominal voting nang sa gayon ay mas malinaw ang magiging resulta ng botohan.

Umaabot sa 184 ang bumoto kontra sa pagbibitiw ni Cayetano, isa ang pumabor, at siyam ang nag-abstain.

Bago inanunsyo ni Cayetano ang pagbibitiw nito ay ibinahagi nito sa mga kasamahang mambabatas kung ano ang napag-usapan sa pribadong pulong nila nina Pangulong Rodrigo Duterte at Velasco nitong Martes ng gabi, Setyembre 29, ngayong taon.

Binanggit ng Speaker na ilang beses umanong sinabihan ng presidente si Velasco na ipagpaliban muna ang term-sharing deal at pahintulutan si Cayetano na maaprubahan ang P4.5T pambansang budget para sa 2021 bago ikasa ang pagpapalit ng liderato ng Kamara.

Matapos ang pulong sa pagitan ni Pangulong Duterte, ipinaubaya na umano nito kay Cayetano ang pag-aanunsyo sa kanilang napag-usapan.

Subalit iginiit ni Cayetano na ang kampo ni Velasco ang nagbato ng impormasyon sa media na magkakaroon na ng bagong Speaker pagsapit ng Oktubre 14, ng taong kasalukuyan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.