Abante Tonite Interactive

Pagbabalik ng death penalty itinulak ng PDEA

By
416

Nais ibalik ng pamunuan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang parusang kamatayan laban sa mga maaaresto at mapapatunayang large-scale drug dealers at manufacturers nito.

Sa isang panayam kay PDEA spokesman Derreck Carreon, iginiit nito na sa kabila ng malawakang kampanya ng administrasyong Duterte laban sa iligal na droga ay hindi pa rin natatakot ang mga sindikato ng droga, at pa­tuloy na namamayagpag dahil walang pangil ang batas dito sa bansa.

Binanggit ni Carreon na sa China at Si­ngapore ay bitay ang igi­nagawad na parusa sa sinumang mahuhuling nagpupuslit ng iligal na droga sa kanilang bansa.

“Kapag lumapag ‘yan sa isang bansa, eh ­automatic po ‘yan, bitay,” aniya.

Kaya naman ang Pi­lipinas aniya ang ginagamit na transhipment point ng ibang bansa kung saan naibebenta nila nang mas mahal ang kanilang mga kontrabando.

Magugunitang noong Biyernes, nakakumpiska ang pinagsanib na operatiba ng Phi­lippine National Police (PNP) at PDEA ng shabu na nagkakahalaga ng P35 milyon mula sa isang Taiwanese national sa Binondo, Manila.

Umaabot sa P35 mil­yon na halaga ng shabu ang nasamsam mula sa Taiwanese na si Chan Chin Hao, nang sala­kayin ang inookupahang kuwarto nito sa isang hotel sa nasabing lugar. Nakakumpiska rin dito ng 20,000 rounds ng mga bala ng 9mm.