Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pagbabalik ng pelikula sa sinehan ngayong pandemya

0 157

Matagal nang kinahihiligan ng mga Pilipino ang panonood ng pelikula sa mga sinehan. Ito ay nagsisilbing libangan at nagbibigay ng kasiyahan at inspirasyon sa atin.

Ngayong isinailalim na sa Alert Level 2 ang Taguig at ang iba pang lungsod at bayan sa National Capital Region (NCR) mula Nobyembre 5 hanggang Nobyembre 21 ay kasama sa mga muling magbubukas ang mga sinehan. Ibig sabihin nito ay mas maluwag na ang mga restriksyon at papayagan na ang pagbubukas ng mas marami pang businesses.

Masayang balita ito para sa mga movie enthusiasts na isang taon at pitong buwang online muna nanood ng paborito nilang mga palabas.

Tradisyon na sa pamilyang Pilipino ang panonood ng pelikula bilang espesyal na okasyon kaya ikinagagalak at sinusuportahan ng lungsod ng Taguig ang pagpayag sa pagbubukas muli ng mga sinehan.

Noong nakaraang linggo ay sinamahan ko sina MMDA Chair Benhur Abalos at ilang executives ng Ayala Group sa paunang movie screening sa Bonifacio High Street Cinemas sa Central Square, BGC. Kami ay nag-check ng ginagawang health at safety protocols para matiyak na ligtas ang panonood sa mga sinehan sa Taguig.

Nagsagawa rin ng masusing inspeksyon ang Taguig Safe City Task Force at malawakan ang paghikayat sa mga empleyado na magpabakuna para masiguro na safe ang panonood sa mga sinehan. Ang lahat ng mga magbubukas na sinehan na pumasa sa inspeksyon ay binigyan ng Taguig Safe City Seal.

Exciting dahil 26 na mga sinehan ang muling magbubukas sa iba’t ibang malls sa Taguig kabilang ang SM Aura, Central Square, Venice Grand Canal Mall, Market! Market!, Uptown Mall at Vista Mall Taguig.

Maraming benepisyo ang pagbubukas muli ng mga sinehan. Maibabalik ang confidence ng producers at stakeholders sa industriya. Manunumbalik din ang kita at sigla sa film industry dahil makakalikha ito ng mas maraming oportunidad sa trabaho. Higit sa lahat, makakatulong ito sa ating mental health dahil sa kasiyahan na hatid ng mga pelikula.

Naging posible at matagumpay ang pagbubukas ng mga sinehan dahil sa maganda at agresibong COVID-19 response sa Taguig. Hindi naging kampante ang lokal na pamahalaan at nanatiling istrikto sa pagpapatupad ng Prevent-Detect-Isolate-Treat-Reintegrate (PDITR) strategy kaya naging maayos at ligtas ang pagbubukas ng mas maraming industriya.

Related Posts
SM food to go Banner Ad

Sa mga nagdaang buwan ay hindi lamang mga sinehan ang matinding naapektuhan ng pandemya ngunit pati ang film industry kaya mas kaunti ang mga nagagawang pelikula.

Pero habang nakasara ang mga sinehan ay naging masigasig ang paghahanda ng industriya para sa muli nilang pagbubukas at hindi masakripisyo ang kaligtasan ng lahat.

Ngayon sa ilalim ng Alert Level 2, ang mga sinehan at movie houses ay pinapayagan ang 50% indoor capacity para sa fully vaccinated adults at maging minors na hindi pa nababakunahan. 70% capacity naman ang allowed para sa outdoor areas. Ito ay alinsunod sa mga alituntunin ng IATF at Taguig Safe City Task Force.

Mandato sa lungsod na kinakailangang sundin ng mga kinauukulan ng sinehan ang guidelines na ito para maiwasang makompromiso ang kalusugan at kaligtasan ng bawat isa. Sinisigurong ang lahat ng health protocols ay agresibo pa ring masusunod sa bawat establisyemento.

Habang nag-eenjoy ay paalala pa rin ng lokal na pamahalaan na dapat istriktong sundin ang mga health protocols sa lungsod. Nais ng lungsod na salubungin ang mga movie fans sa sinehan nang ligtas at makauwi rin sila nang ligtas.

Sa nalalapit na kapaskuhan ngayong 2021, isa sa mga malalaking events na inaabangan natin ang pagbabalik ng Metro Manila Film Festival (MMFF). Kung noong nakaraang taon ay online ito ginanap, ngayong taon ay pinaghahandaan ang aktwal na pagbabalik nito.

Ang pagbubukas ng sinehan ay senyales ng pag-asa na magpapatuloy ang pagsigla ng ekonomiya at panunumbalik ng ating dating pamumuhay. Kasama rito ang muling pagkakaroon ng face-to-face classes sa mga paaralan, group exercise tulad ng zumba at aerobics, paglabas ng mga bata sa malls at paglalaro ng basketball at iba pang contact sports para sa mga bakunado.

Mahalaga ang pagbabakuna, patuloy na pag-iingat at pagsunod sa health protocols tulad ng laging pagsuot ng face masks at pagsunod sa physical distancing upang mapabilis pa ang pagbubukas ng iba pang industriya.

Leave A Reply

Your email address will not be published.