Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pagbakuna sa Maynila ng mga menor de edad, tagumpay

0 401

Nais kong papurihan, pasalamatan at i-congratulate ang mga magulang at guardians ng mga menor de edad sa lungsod ng Maynila.

Ito ay dahil sa lumalabas na sila ay nakinig sa aming paulit-ulit na panawagan na pabakunahan nila ang kanilang mga anak o alagang bata para na din sa kaligtasan ng lahat ng magkakasama sa iisang tahanan.

Mahigit 53,000 na kabataang may edad 12 hanggang 17 ang nagpapre-register sa www.manilacovid19.ph at mulas a bilang ito, may 17,000 na ang nabakunahan habang isinusulat ang pitak na ito.

Ang mass vaccination ng general population ng mga kabataan na naganap isang linggo matapos bakunahan ang mga may comorbidities ay sabay-sabay na ginaganap sa mga ospital na pinatatakbo ng pamahalaang-lungsod ng Maynila gayundin sa apat na shopping malls na aming itinalaga bilang vaccination hubs, ang SM Manila, SM San Lazaro, Lucky Chinatown at Robinson’s Place in Ermita.

Mismong si Vice Mayor Honey Lacuna ang siyang nangangasiwa ng mass vaccination program ng lungsod, kasamsa si Manila Health Department chief Dr. Poks Pangan.

Ang aming ng ospital ay bukas para magbakuna ng mga kwalipikadong kabataan mula 7 a.m. hanggang 4 p.m. habang sa mga malls, ang pagbakuna ay ginagawa mula 10 a.m. hanggang 6 p.m.

Isang kasama lamang ang pinapayagan bawat menor de edad at ang matandang kasama ay kailangan ding magprisinta ng pruweba ng relasyon niya sa tatanggap ng bakuna sa pamamagitan ng isang valid ID.

Ang mga menor de edad ay dapat namang magdala ng birth o baptismal certificate, school ID, PWD ID at isang pirmadong consent at assent form. Ang mga may comorbidities ay kailangan namang magprisinta ng medical certificate na pirmado ng doktor.

Habang ang bilang ng active, confirmed COVID cases sa lungsod ay patuloy na bumababa sa paglipas ng mga araw, patuloy din na may pumapanaw at para sa akin, gaano man ito kakonti, hanggat may nawawalang buhay ay hindi tayo dapat na maging kampante.

Sa aming pinakahuling talaan, dalawa ang naitalang nasawi at bagamat ito ay lubhang mababa kumpara sa dati, ito ay nakalulungkot pa ring balita dahil alam ko na may mga naiwan silang mahal sa buhay na namimighati. Para sa akin, kahit isa lamang ang masawi ay malaking kawalan.

Sa puntong ito ay patuloy akong nananawagan sa publiko, lalo na sa mga taga-Maynila, na gawin pa rin ang mga minimum health protocols gaya ng pagsusuot ng face masks, palagiang paghuhugas ng kamay at wastong pagdidistansiya.

Related Posts

Habang ang mga numero ng COVID cases sa lungsod ay patuloy na nagiging ‘manageable’ araw-araw, ang impeksyon ay nananatili at sa katunayan ay kumikitil pa ng buhay, kaya’t dapat pa rin tayong maging maingat at alerto.

Samantala, nais kong ibigay ang kredito sa patuloy na pagbaba ng mga kaso ng COVID sa Maynila, sa pagsisikap at sakripisyo ng aming mga doktor, nurses at staff ng Manila Health Department sa ilalim ng hepe nitong si Dr. Arnold Pangan, pati na ang mga kasapi ng allied services.

Karapat-dapat ding pasalamatan natin ang kasipagan ng aking partner na si Vice Mayor Honey Lacuna, na siyang nangangasiwa sa mass vaccination program ng pamahalaang-lokal, sa tulong na din ni Dr. Pangan. Sila ang nasa likod ng tagumpay ng bakunahan sa lungsod.

Gayundin, bigyan natin ng kredito ang mga taga-Maynila na nagpakita ng solidong kooperasyon at suporta sa walang-sawang panawagan namin ni Vice Mayor Honey na magpabakuna na.

Nitong mga nakaraang linggo, ang bilang ng mga confirmed, active cases sa Maynila ay nasa 500 pababa na lamang. Sa katunayan, nitong mga nakalipas na araw ay 25 lamang ang nagpositibo. Ito ay kauna-unahang pagkakataon sa loob ng mahabang panahon.

Pinatutunayan lamang nito na ang aming kampanyang ‘Vaccine Nation is the Solution,” ay sadyang naging epektibo.

Ngayong nagluluwag na ang mga pagbabawal ng gobyerno, natanong ang inyong lingkod kung papayagan na ba ang caroling sa Maynila.

Habang hindi ko ito ipagbabawal, hindi ko rin ito hinihikayat, dahil maari itong maging daan upang magkalat ng virus, lalupa’t ang mga kadalasang sumasama dito ay mga kabataan na itinuturing bilang ‘high risk individuals.’

Kaugnay nito ay nananawagan naman ako sa mga magulang na magkaroon ng kusang responsibilidad at disiplina. Sa kanila na sana mismo magmula na huwag payagan ang mga kabataan na mangaroling imbes na lokal na pamahalaan pa ang magbawal nito.

***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. Manila, God first!
***
Maari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso.’

Leave A Reply

Your email address will not be published.