Abante Tonite Interactive

Pagbangon ng mga hinagupit ng kalamidad simulan na

183

Kinalampag na ng isang kongresista ang pamahalaan para madaliin na ang pagpapatupad nito ng mga inilatag na recovery program para sa mga biktima ng kalamidad partikular ang mga naapektuhan ng pagputok ng Bulkang Taal.

Naniniwala si Bagong Henerasyon Party-list Rep. Bernadette Herrera na kailangan madaliin na ang pagkakaloob ng tulong sa mga biktima upang ganap nang makabangon ang mga ito.

Bukod sa mga apektado ng pagputok ng Bulkang Taal, nariyan pa umano ang mga sinalanta ng bagyo sa Bicol, Eastern Visayas, Western Visayas, at Mimaropa gayundin ang serye ng lindol sa Mindanao at ngayon ang nakamamatay na novel coronavirus.

Giit ni Herrera, mahalagang mabigyan ng direktang ayuda at maraming bagong trabaho ang mga biktima bilang pinakamabisang solusyon sa naging mahabang epekto ng kalamidad.

Kumbinsido naman ang kongresista na mabilis at maayos na maipatutupad sa unang quarter ng taon ang mga programa ng gobyerno kontra kahirapan tulad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4P, Pondo sa Pagbabago at Pag-asenso o P3, Universal Healthcare Law, mga benepisyo para sa mga senior citizen at person with disability gayundin ang Pantawid Pasada program.

Dagdag pa nito na upang patuloy na makapag-aral ang mga bata ay dapat magkaroon din ng unconditional cash grant sa mga biktima ng kalamidad. (Eralyn Prado)