Abante Tonite Interactive

Pagbasa ng sakdal kay PNoy, pinigil ng SC

By
1,779

Nagpalabas kahapon ng temporary restraining order (TRO) ang Korte Suprema na pumipigil sa pagbasa ng sakdal kina dating Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III, dating Philippine National Police (PNP) chief Alan Purisima at dating PNP-Special Action Force Director Getulio Napeñas para sa kasong usurpation of authority kaugnay sa Mamasapano encounter noong Enero 2015.

Dahil sa TRO,  hindi muna matutuloy ang arraignment kina Aquino, Purisima at Napeñas na nakatakda sa Pebrero 15, 2018 sa Fourth Division ng Sandiganbayan.

Sa tatlong pahinang kautusan na pirmado ni Supreme Court First Division Clerk of Court Edgar Aricheta, kasama rin sa pinigil ng Korte Suprema ang pagpapatupad ng resolusyon ng Office of the Ombudsman na nagbasura sa reklamong reckless imprudence resulting in multiple homicide na inihain laban kina Aquino kaugnay ng Mamasapano encounter kung saan nasawi ang 44 myembro ng PNP-SAF.

Nais din ng Korte Suprema na maging respondent sa kaso ang Sandiganbayan.

Nauna rito ay naghain din ng mosyon ang abugado ng dating Pangulo sa Sandiganbayan na ipatigil ang pag-usad ng kaso kaugnay ng Mamasapano incident, habang hindi pa dinedesisyunan ang kanilang motion to quash.