Abante Tonite Interactive

Pagbawi ng nawawalang pera ng BDO depositors paiyakan

By
8,823

Umiiyak na ang maraming depositor, ilan ay mga overseas Filipino workers (OFWs) dahil sa hindi mabawing pera matapos mabiktima ng hindi awtorisadong withdrawals sa kanilang account sa Banco de Oro Unibank, ang pinakamalaking bangko sa Pilipinas.

Kung ang ibang depositors sa Pilipinas ay hirap sa pagbawi ng nawala nilang pera, triple naman ang pagdurusa ng OFWs dahil wala silang mala­pitan upang magreklamo kundi ang iparating ang kanilang hinaing sa BDO Online.

Isa sa nagreklamo ay si Arnel Ragel ng San Jose del Monte, Bulacan na nagtatrabaho sa isang supermarket sa Riyadh, Saudi Arabia.

Natuklasan ni Ragel ang pagkawala ng P10,788.57 sa kanyang Kabayan Savings Account sa BDO noong maglili­pat sana siya ng pondo sa account ng kanyang pamilya sa Pilipinas para magamit sa kanilang Medya Noche.

“Buti pa yung ATM card ko sa BDO nakarating na ng America…ako hanggang Riyadh lang, hanggang pangarap lang na makarating sa America … inunahan ako ng ATM ko nagkape sa Ame­rica ‘yung atm ko. sa Starbucks pa, ako nga hindi nagkakape … ang galing ng BDO,” ayon sa pinost na komento ni Ragel sa kanyang Facebook account­.

Sa pinost naman ng isang Tonette Pajuelas sa kanyang FB noong Enero 7, 2018, P5,708 na lamang­ ang na­tira sa pera niyang P71,760 gayung hindi naman siya nag-withdraw.

“Napakasakit ang pinaghirapan ko may iba palang nakikinabang ako lang ang may hawak ng Passbook at ATM ko paano nangyari na P5,708.3 na lang natira sino naman kaya walang puso na gumagamit ng pera di naman siya ang naghirap!” galit na komento ni Pajuelas.

Sa statement ng BDO Unibank noong Huwebes, humingi sila ng pang-unawa sa mga nagrereklamong depositor dahil hindi madaling maproseso ang kanilang kahili­ngan.

“It is a laborious process of tracing individual transactions and validating any irregularities and indications that there could have been fraud.

Some of these parties in this process have to go through millions of transactions for verification. This is why it can take time for us to provide resolution to a customer’s case,” ayon kay BDO president at CEO Nestor Tan.

Sa kanilang karanasan aniya, tinata­yang 1/3 ng ‘fraud cases’ ang kinaklasipika nilang lehitimong biktima ng crime syndicates kung kaya’t naibabalik sa kanila ang perang nawala.

“Unfortunately, some cases are classified as ‘familiar fraud’, wherein friends or a family member uses a client’s account without the client’s knowledge,” paliwanag ng opisyal ng bangko.

Payo ni Tan sa kanilang depositor, huwag ipapaalam ang PIN ng kanilang ATM at regular din silang magpalit ng PIN para sa seguridad ng kanilang account.