Abante Tonite Interactive

Pagbayarin ang Grab!

By
440

Nabuking ang panibagong pagsasamantala ng Transport Network Service Company na Grab hinggil sa sobra-sobra nitong singil sa mga commuter.

May kaugnayan ito sa P2 per minute na charge ng Grab kaya naman nagpalabas ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng show cause order upang magpaliwanag ang kompanya.

Kung matatandaan, hindi ito ang unang pagkakataon na nakitaan ng pagmamalabis ang Grab.

Hindi ba’t pinagmulta na rin sila ng LTFRB dahil naman sa hindi pagsunod sa kautusan noon na itigil muna ang pag-accredit sa mga bagong unit habang hindi pa nareresolba noon ang usapin sa kanilang accreditation.

Kamakailan naman ay pumutok ang balita ng merger ng Uber at Grab na nagdulot ng pangamba sa marami na mamomonopolya na ang ride sharing industry.

Kasunod nito ay tiniyak naman ng Grab na hindi sila aabuso sa paniningil sa kanilang mga customer.

Subalit, hindi pa nga nagtatagal ang sinasabing merger, tambak na reklamo na ang narinig natin mula sa mga tumatangkilik sa Grab.

Ito ay ang sobrang taas na ng kanilang si­ngil sa pasahe na halos doble sa dati nilang binabayaran. Katwiran pa nga raw ng ibang driver ng Grab, wala namang choice ang mga pasahero kesa mas mahirapan sa pagkocommute o pagkuha ng regular na taxi.

Haist! Nangangahulugan ito na hostage tayo ng Grab?

Bakit parang nagiging paulit-ulit ang pag-abuso ng Grab?

Sa isipan ng simple at ordinaryong mamamayan, may pag-abuso dahil hanggang ngayon mukhang hindi pa rin malinaw ang mga regulasyon hinggil sa ride sharing companies.

Sa huli, ang bagsak pa rin ng sisi sa pagi­ging GRAB-E ng GRAB ay ang LTFRB. Panahon na upang magtrabaho ng husto ang ahensya at tiyakin na hindi na muling malulusutan ng samu’t saring pag-abuso.

Pangalagaan ang kapakanan at seguridad ng mga commuter at huwag lamang ang pa­ngangailangang kumita ng mga kumpanya.