Abante Tonite Interactive

Pagbibigay ng nararapat sa mga kawani at publiko

352

Sa aking regular na pakikipagpulong sa mga puno ng tanggapan sa city hall nitong nakaraang Lunes, nagbigay ako ng direktiba para sa mahigpit na pagpapatupad ng ARTA o Anti-Red Tape Act na nag-aatas sa mga tanggapan sa gobyerno na aktuhan ang mga na­kabinbin na papeles nang walang anumang ‘delay’.

Upang bigyan ng diin ang aking direktiba, sinabayan ko na rin ng babala na sinoman na hindi kayang sumunod sa aking iniatas ay papalitan natin ng makakagawa nito.

Maliwanag naman ang aking hinihingi sa ilalim ng ARTA. Ayoko kasing pumipirma ng mga dokumento na inaksyunan lamang makalipas ang mahabang panahon.

Ang gusto ko ay mai­patupad nang husto ang ARTA sa pamahalaang lokal ng Maynila at dapat, lahat ng transaksyon ay matapos sa lalong mada­ling panahon.

Hindi ako humihingi ng sobra-sobra. Sa katunayan, dapat nga ay kusa itong nagaganap may ARTA man o wala. Isa lamang din itong simpleng pagtupad sa kautusan ni President Rod­rigo Duterte sa lahat ng ahensiya ng gobyerno na alisin ang tinatawag na red tape o wala sa lugar na pagkaantala ng mga transaksyon dahil ito ay pinagmumulan lamang ng korapsyon at mga reklamo mula sa publiko.

Matatandaan na no­ong nakalipas na taon ay inilunsad natin ang ‘Bagong Maynila’ business one-stop shop na epektibong nagpaiksi sa pagproseso ng business permit application kung saan isang araw na lamang ang transaksyon at sa isang bintana na lamang ito tatapusin, hindi gaya ng dati na walong bintana ang kailangang daanan. Ang nasabing one-stop shop ay nilikha batay sa Executive Order No. 8 na ang layunin ay padaliin ang pakikipag-transaksyon sa Lungsod ng Maynila.

Sa hindi sinasadyang pagkakataon ay naunahan ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang lahat ng local government unit (LGU) dahil ang ating one-stop shop ay nagsilbi bilang modelo kaugnay sa pagkakalikha ng ARTA sa ilalim ng pamumuno ni Atty. Jeremiah Belgica at sa pagpapalabas ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Ease of Doing Business Law na pawang naglalayon na mawala na ang korapsyon at pagkaantala ng mga proseso kapag may kailangang lakaring papeles saan mang dako ng bansa.

Gaya ng pagbibigay sa publiko ng serbisyo na dapat para sa kanila, inatasan din ng inyong lingkod ang City Treasurer’s Office na ibigay sa mga kawani ang nararapat para sa kanila. Hindi ako palo sa lumang sistema kung saan kailangang magmakaawa ang mga empleyado para sa mga benepisyong para naman talaga sa kanila.

Nakita ko mismo ang mga ganitong pangyayari kaya tinitiyak ko na hin­ding-hindi ko gagawing timawa ang mga empleyado. Anuman ang para sa kanila, hindi nila kailangang hanapin o magmakaawa pa. Ibibigay ko nang buo, walang bawas ni isang sentimo.

Naniniwala kasi ako na ‘charity begins at home’. Kung hindi natin maibibigay ito sa mismong loob ng bahay natin, ano pa ang maaaring asahan sa atin ng ating mga kapitbahay?

Ipinangangako ko na aming iingatan ang kakarampot nating budget at magiging masinop tayo sa paggamit nito. Hindi ko ilalagay ang mga empleyado sa isang uri ng sitwasyon kung saan kailangan pa nilang makiusap o magma­kaawa para sa mga bagay na talaga namang kanila o para sa kanila.

Bilang kapalit, simple lang ang hinihiling ko, at iyan ay ang magbigay ang mga kawani ng serbis­yong may ngiti. Nais ko sana ay ipagmalaki nila na sila ay nasa posisyon kung saan maaari nilang baguhin ang buhay ng iba o gamitin ang kanilang puwesto sa gobyerno upang makatulong sa mga nangangailangan.

Kung hindi rin naman kalabisan, hinihi­ling ko na isama nila ako sa kanilang dasal, pati na rin ang mga opis­yal ng lungsod na a­king itinalaga, na sana ay magtagumpay ang liderato sa lahat ng mga programang nakalinyang ipatupad para sa kapakinabangan ng lungsod at mga mamamayan nito.

Matinding trabaho ang kinakaharap ng pamahalaang lungsod. Ang pagbaligtad sa resulta ng anim na taong kapaba­yaan ay isang ubod ng hirap na trabaho na maaari lamang maging madali kung nariyan ang buong suporta at kooperasyon hindi lamang ng mga opisyal ng lungsod kundi, lalo na, ng mga emple­yado at residente mismo.
***

Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ring mga Batang Maynila. Manila, God first!

***
Maaari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account — ‘Isko Moreno Domagoso’.