Abante Tonite Interactive

Pagbibigayan, pagkakaisa kailangan sa COVID crisis

0 284

Dear Abante Tonite:

Ako po ay natutuwa at sa kabila ng delubyong hinaharap ng ating bansa dahil sa banta ng epidemyang COVID-19 ay hindi pa rin nawawala sa ating mga Pilipino ang tumulong at magbigay ng kasiyahan at suporta sa mga kapwa natin manggagawa na nasa frontline (sundalo, pulis, at health worker) upang siguraduhing ligtas ang buong Metro Manila at karatig lalawigan nito mula sa naturang sakit.

Sa mga tao at kompanya na nagbibigay ng pagkain, inumin at iba pang maaaring magamit ng mga frontliner upang pansamantalang mapawi ang kanilang pagod, gutom at uhaw, salamat at hindi ninyo sila nakakalimutan.

Sigurado akong masaya ang mga taong ito sa kabila ng pagod, puyat at pag-aalala para sa kanilang sarili at pamilya. Naniniwala akong sa simpleng paraan ng pagmamalasakit ng ating mga kababayan ay patuloy silang magsisikap para tugunan ang pangangailangan ng ating bansa sa panahon na sila ay kailanganin.

Patuloy sana ang pagbibigayan at pagkakaisa ng bawat Pilipino dahil tiyak kong ang pagkakaisa ay susi upang matuldukan ang lahat ng hinaharap na problema ng ating bansa.

John Brian T. Gateb