Abante Tonite Interactive

Pagbilad sa araw sa mga nahuli sa curfew, hindi dapat! – PNP

799

Hindi pabor ang Philippine National Police (PNP ) sa ginawang pagbilad sa araw sa mga nahuling lumabag sa curfew sa isang barangay sa Paranaque City.

Sinabi ni PNP Lt. General Guillermo Eleazar na hindi dapat ibinibilad sa sikat ng araw ang mga pasaway na mamamayan sa harap ng ipinatutupad na paghihigpit laban sa coronavirus disease.

“Hindi naman po dapat yon. Hindi naman siguro yon. Yung pagbibilad iche-check po natin yan,” ani Eleazar.

Pero sinabi ng opisyal na dapat ay sumunod ang mga residente may curfew man o wala, at huwag pakalat-pakalat o pasaway sa panahon ng enhanced community quarantine.

“Ito pong curfew na ito ay ipinatutupad ng LGUs para mag-stay tayo sa bahay. May curfew o wala 24 hours, kung hindi kayo authorized na nasa labas,dapat nasa loob lang kayo ng bahay,” dagdag ni Eleazar.

Pinaalalahanan ng opisyal ang mga mamamayang hindi nakakatiis sa loob ng bahay na sumunod sa utos ng mga lokal na opisyal dahil kapag natiyempuhan sila ng mga pulis ay aarestuhin ang mga ito.

“Sa oras ng curfew, ang ating pulis po will be armed with sanction. Pag nahuli kayo hindi lamang caution ang gagawin namin, puwede kayong arestuhin. Kaya mag-stay lang sa bahay,”wika pa ni Eleazar.(Aileen Taliping)