Abante Tonite Interactive

PAGCOR nalusutan ng 187 illegal POGO

495

Inamin ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) na halos tatlong beses ang dami ng mga illegal Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na mamayagpag sa bansa kung ikukumpara sa mga ligal at rehistrado para makapag-operate.

Sa ginanap na hearing kahapon ng House Committee on Games and Amusement, sinabi ni Pagcor acting assistant vice president for offshore gaming and licensing department Jose Marie Tria na nasa 187 gaming hub ang iligal na nag-o-operate sa bansa habang 61 lamang ang binigyan ng lisensya ng ahensya para sa makapagpatakbo ng POGO.

“They (National Bureau of Investigaiton) have verified more than 187 sites which believed to be conducting online gaming illegally,” sabi ni Tria nang tanungin ni Deputy Spea­ker Prospero Pichay kaugnay ng aktuwal na bilang ng mga legal at illegal offshore gaming hub na may operasyon sa bansa.

Pormal na nagsagawa ng imbestigasyon ang Kamara de Representante sa paglaganap ng mga illegal gambling hub kung saan karamihan ay pinatatakbo ng mga Chinese mainlander.

Nauna nang nabunyag sa House inquiry na P50 bilyong kita at franchise tax ang hindi nire-remit sa gobyerno ng mga 61 licensed POGO hub.

Inamin din ni Tria na hirap ang NBI na masawata ang mga illegal POGO dahil marami sa mga ito ay nakatago sa mga residential area gayundin sa mga exclusive subdivision lalo na sa National Capital Region at mga kalapit na probinsya.

“These illegally operating sites are small sites. They even operate inside houses only,” ayon kay Tria.

Sinabi pa nito na marami sa mga illegal POGO operator ang nagkukunwaring mga tu­rista sa isang subdivision ngunit lingid sa kaalaman ng komunidad ay nagpapatakbo na ito ng ‘illegal online operation’ sa kanilang lugar. (JC Cahinhinan)