Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pagdagsa ng mga LSI sanhi ng pagdami ng COVID sa mga lalawigan

0 372

HINDI natin maintindihan kung bakit sa kabila ng pagsisikap ng pamahalaan na mabawasan ang mga Locally Stranded Individual (LSI) sa National Capital Region (NCR) ay patuloy pa rin ang pagdami nito.

At ito ngayon ang nakikitang dahilan kung bakit patuloy ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa iba’t-ibang lalawigan sa bansa dahil sa marami ang umalis ng negatibo ngunit positibo na kapag dumating sa kanilang probinsiya.

Ito ay dahil sa hindi nga mapagkakatiwalaan ang resulta ng rapid test na karaniwang isinasagawa sa mga LSI bago sila ibiyahe ngunit pagsapit sa kani-kanilang lugar ay muling isinasailalim sa swab test at doon nakukumpirmang positibo.

Ito ay sa mga lalawigang may kapasidad lamang ngunit may ilang probinsiya na dati-rati ay isinasailaim pa sa quarantine site ang mga LSI ngunit dahil sa kinakapos na sila sa pagpapapakain sa mga ito ay isinasailalim na lang nila sa home quarantine ang iba.

Dito nagkakaroon ng problema dahil sa may mga kababayan tayong kahit nasa home quarantine ay pagala-gala kahit hindi pa tapos ang itinakdang araw na nagreresulta sa pagkalat ng naturang virus.

Dapat ay tularan natin ang sistema ng Davao na hindi tumatanggap ng kanilang kababayan kung hindi sumailalim sa masusing test upang matiyak na talagang hindi kakalat ang naturang virus.

Ang nangyayari kasi ay nagkukumahog itong mga nasa Metro Manila na maubos ang mga LSI kahit hindi naman siguradong lahat ay hindi kontaminado ng virus kaya ang resulta ang mga lalawigan ng nagdurusa.

Marahil ay makabubuting payagan na kahit ilan lamang ang mga biyahe patungong probinsiya upang hindi na dumagsa sa ilang bahagi ng NCR ang mga LSI na inabot ng lockdown simula pa noong Marso.

Ngunit kailangan lamang na higpitan ang pagpapatupad ng sistema kabilang na ang pagsailalim sa mga test na kumpirmadong hindi positibo at bigyan ng sertipikasyon ng Department of Health (DOH) na kuwalipikado nang magbiyahe.

Dahil sa kawalan ng biyahe patungong probinsiya ay dumadagsa ang mga LSI sa iba’t-ibang panulukan ng NCR ngunit kalaunan ay makabibiyahe rin naman dahil sinasagip ng pamahalaan.

Lumalabas na ganoon din, ibabayahe rin naman, kaya sa tingin ko ay makabubuting payagan kahit ilan lang na pampasaherong biyahe patungong probinsya para maubos na ang LSI.

Dalawang klase kasi ng LSI ang dumadagsa sa NCR, una ay iyong mga totoong LSI at ang ikalawa ay ang nagpapanggap na LSI at nais lamang makauwi ng kanilang probinsiya ng libre.

Maraming pagkakataon na ang isang probinsiya na dating zero-covid ay biglang nagkaroon ng kaso dahil sa mga LSI na ang ilan ay nahawa sa kapwa LSI o sa mismong biyahe patungong probinsiya.

Hindi ko naman minamasama ang mga LSI dahil biktima rin sila ng sitwasyon ngunit dapat na talagang isailalim sila sa masusing test bago pakawalan at huwag iasa sa mga lalawigan ang kanilang kaligtasan.

Kung hindi talaga kayang payagan ang mga biyahe patungong lalawigan ay makabubuting magbuo ng task force na ang tanging trabaho ay tutukan ang lahat ng LSI sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Tulung-tulong tayo!

Leave A Reply

Your email address will not be published.