Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pagdami ng tropang purdoy sa ‘Pinas

0 167

Kahit parang balik-normal na ang sitwasyon sa Pilipinas mga tropapips, napakarami pa rin nating kababayan ang hikahos at nagdidildil ng asin.

Pero bago ‘yan, nakikiramay po tayo sa mga naulila ng yumaong Queen of Philippine Movies na si Susan Roces, ang butihing ermat ni Senadora Grace Poe.

Bukod sa Queen of Philippine Movies, puwedeng tawaging “Mother of Adopted Children” si Susan Roces dahil sa ginawa niyang pakikipaglaban para sa anak ni Sen. Grace. Nangyari ‘yan nang may kumuwestiyon sa karapatan ng senadora na tumakbong presidente noong 2016 elections.

Dahil nga sa nangyari sa senadora, ginawa ang batas na Foundling Recognition and Protection Act, para mabigyan ng proteksiyon ang mga sanggol o batang inabandona at iniwan ng kanilang ina o magulang sa kung saan-saan.

Sa nangyari kay Sen. Poe, sa simbahan siya inabandona. Hanggang kupkopin nga kinalaunan nina Susan at mister niyang King of Philippine Movies na si Fernando Poe Jr., na namayapa na rin.

Aba’y wala na ang mag-asawang Susan at FPJ, pero yung “isa,” eh haybu pa. Wala na rin si ex-President Noynoy Aquino. Totoo kaya ang kasabihan na mas unang kinukuha ni Lord ang mababait? O mahilig siya sa pancit na pangpa-long life daw kapag birthday?

Samantala, kamakailan lang eh naglabas ng survey mga tropapips ang Social Weather Station tungkol sa mga pamilyang ikonukonsidera ang sarili nila na “mahirap” at hikahos sa “chibog.”

Ginawa ang survey ng Abril at lumilitaw na10.9 milyon (43%) ng pamilyang Filipino ang nagsabing ikinukonsidera nila ang kanilang sarili na mahirap. Halos hindi nalalayo ang naturang bilang sa survey ng Disyembre 2021 na nagsabing 10.7 milyon (43%)pamilya ang nagsabing mahirap sila.

Bukod sa nasabing bilang, 34% din ng mga tinanong ang nagsabi na nasa “borderline poor” sila o parang tumutulay mga tropapips sa pagitan ng nakaka-L-L (luwag-luwag) at yagit. Samantalang 23% ang deklaradong nakaka-L-L sila.

Kabilang sa mga kapansin-pansin sa survey mga tropapips ay ang datos na nagsasaad na may 1.5 na milyon pamilya ang bagong miyembro ng “tropang purdoy.” Sila yung tinanong na hindi “mahirap” noon sa nagdaang apat na taon.

Bukod pa diyan, may 8.2 milyon pamilya rin ang nagsabing tropang mahirap sila sa nakalipas na limang taon o higit pa. Ang tanong, hindi kaya nakakasama sa 4Ps programang ang mga pamilyang ito kaya hindi nagawang makaahon sa kahirapan? Ilan kaya sa kanila ang naging “adiktus” o adik, at naging tulak ng droga?

Pero may good news din naman sa survey dahil lumilitaw na hindi buong bansa eh tropang mahirap. Bagaman tumaas ang nagsasabing mahirap sila sa mga kababayan nating nasa Mindanao at Metro Manila, nabawasan naman ito sa Balanced Luzon at Visayas.

At ang maganda sa mga Pinoy, lagi tayong hindi nawawalan ng pag-asa. Sa hiwalay na survey ng SWS na ginawa noong Disyembre 2021, 51% ng mga tinanong ang positibo ang pananaw na gaganda ang ekonomiya ng bansa 2022.

Nasa 30% naman ang naniniwalang same-same lang, habang 7% ang “nega,” o naniniwalang sasama pa ang lagay ng ekonomiya sa taong ito. Pero malalaman natin ‘yan mga tropapips sa mga susunod na buwan lalo pa’t magkakaroon tayo ng bagong pangulo simula sa July 1.

Malay natin, bagong pangulo, bagong pag-asa? Aba’y abangan natin ‘yan. Laging Tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy nyo”

Leave A Reply

Your email address will not be published.