Abante Tonite Interactive

Pagdurusa sa walang kabuluhang pagpatay

Part 6

By
174

Binigyan naman ni Judge Dumayas ang mga abogado ng mga akusado ng hanggang Disyembre 17, 2012 araw ng Lunes para makapaghain ng kanilang agarang motion for reconside­ration sa nakitang matibay na ebidensiya ng tagausig na magpapatunay na murder ang dapat na ikaso sa apat bago pa sila basahan ng kaukulang sakdal.

Iba naman ang naging istratehiya ng abogado ni Cabrera na si Atty. Redemberto Villanueva­ dahil naghain kaagad siya ng hiwalay na kahilingan na mabasahan kaagad ng sakdal ang kanyang kliyente at pagkalooban ng kaukulang piyansa para sa pansamantalang paglaya.

Bagama’t wala namang pribadong tagapagtanggol ng pamilya ni Maj. Anikow na humaharap upang umayuda sa tagausig, may kinatawan naman lagi ang Embahada ng Amerika sa bansa na humihingi ng mga kaukulang impormasyon sa itinatakbo ng usapin.

Araw ng Miyerkoles, Disyembre 19, 2012 nang basahan ng sakdal sa kasong murder ng hukuman ang apat na akusado na pawang naghain ng ‘not guilty plea’ habang nakamasid sa takbo ng usapin ang mga Embahada ng Amerika.

Ayon kay US Consul General Michael Schimmel, magiging aktibo sila sa pagsubaybay sa takbo ng usapin at direkta nila itong naisasalaysay kay Laura Anikow, ang biyuda ng napaslang na sundalo na nanatili na muna sa Amerika.

Nagpasalamat din si Schimmel sa mga awtoridad sa mabilis na pagkakadakip sa mga akusado at ang agarang paglilitis laban sa kanila kasabay ng pahayag na naniniwala silang mabibigyan ng wastong hustisya ang nangyaring pagpaslang kay Maj. Anikow.

Samantala, nang araw din iyon ay pinahintulutan ni Judge Dumayas ang kahilignan ni Dela Paz na sumailalim siya sa pagsusuri sa Philippine Orthopedic Center sa Quezon City sanhi ng nararamdamang patuloy na pananakit ng kanyang likod.

Itinakda rin kaagad ni Judge Dumayas kinabukasan, araw nang Huwebes ang pagdinig sa inihaing mosyon ng mga abogado ng apat na akusado kaugnay sa kahilingan nilang makapag­lagak ng piyansa ang kanilang mga kliyente.

Iniharap ng tagausig sa ginanap na pagdinig ang medico legal report, death certificate at larawan ng ginamit na patalim sa pagpatay kay Maj. Anikow, pati na ang kotseng Volvo na gamit ng apat na akusado at ang sinumpaang pahayag ng mga security guard ng Southland Security and Investigative Services na sina Dominador Royo at Randy Lecta.

Humarap din bilang testigo ng tagausig ang security guard na si Saavedra na nagsalaysay ng mga pangyayari, kabilang na ang pasuray-suray umanong paglalakad ni Anikow at ang ginawa nitong pananapak sa isa sa mga akusado, na siyang gagamitin naman ng abogado ni Datu III upang payagang makapaghain ng piyansa ang kanyang kliyente.