Abante Tonite Interactive

Paggamit ng vape delikado sa baga

368

Pinag-aaralan ngayon ng United States health officials ang dumaraming kaso ng nagkakasakit sa lung injuries partikular ang kabataan na gumagamit ng vape na nagiging sanhi ng paglala ng sakit.

Ayon sa tala ng Health departments sa Illinois, Minnesota at Wisconsin, nakararanas ng matinding pag-ubo, kakapusan ng hininga, pagkahilo, madaling mapagod ang mga nagkakasakit na kailangang matubuhan.

Base sa report, umaabot na sa 30 katao ang kumpirmadong may sakit habang nasa 22 ang isinasailalim sa obserbasyon upang malaman kung saan nagmula ang kanilang sakit, katuwang ang Centers for Disease and Control and Prevention na nag-iimbestiga.

Nabatid na bukod sa mga flavor ng vape at mayroon ding halong marijuana products sa vape, base sa US media.

Ayon kay Thomas Haupt, respiratory disease epidemiologist ng Wisconsin’s Department of Health Services, nasa proseso pa sila ng pag-i-interview sa mga pasyente upang malaman ang pinagmulan ng sakit.

Base sa pagsusuri, ang mga e-cigarettes na naging ligal sa US noong 2006 pa ay may mababang level ng toxic bilang pamalit sa paninigarilyo.

Nangangamba ang US sa kabataan na nasa 3.6 million na gumagamit ng vaping products noon pang 2018, na tumaas pa ng 1.5 million, ayon sa report ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC).

Kaugnay nito ay hinihikayat ng mga doctor na payuhan ang kabataan na iwasan o kung hindi man ay gumamit ng vape na binili mula sa mapagkakatiwalaang dealer. (Vick Aquino)