Abante Tonite Interactive

Paggunita sa 15th death anniversary ni FPJ

0 172

Kahit matagal nang pumanaw si Fernando Poe Jr., hanggang ngayon ay patuloy na sinasariwa ng taumbayan ang kanyang alaala. Sa darating na Disyembre 14, Sabado ang ika-15 taong ani­bersaryo ng kamata­yan ng tinaguriang Hari ng Pelikulang Pilipino o Da King.

Inaasahang mara­ming supporter ang dadagsa sa Manila North Cemetery kung saan nakalagak ang puntod ni FPJ. Isang misa ang nakatakdang gawin at pag-alala sa buhay ni Da King.

Darating din ang mga kaibigan ng pamilya, mga kamag-anak, supporter, mga artista at siyempre ang maybahay ni FPJ na si Susan Roces at ang anak na si Senador Grace Poe.

Minsan nang itinulak ang paglilipat ng libingan ni Da King sa Libingan ng mga Bayani. Kuwalipikado kasi ang namayapang aktor dahil isa itong national artist. Umaabot sa 40 national artist ang nakalibing sa nasabing sementeryo.

Pero ayaw ni Sen. Poe na ilipat sa Li­bingan ng mga Bayani ang kanyang ama. Mapayapa na raw kasi ang kinalalagyan ng kanyang ama sa Manila North Cemetery at maaari pa itong madalaw ng mga ordinaryong tao na ipinaglalaban ni FPJ noong nabubuhay pa ito.

Kaya naman hanggang ngayon, kahit 15 taon nang namayapa si FPJ, nag-aapoy pa rin sa isipan ng kanyang mga tagahanga ang alaala ng namayapang aktor. Pagluluksa ang gagawing paggunita sa kamatayan ni Da King, marami ang nagha­hangad na makamit ng pamilya ang katarungan sa namayapang aktor.

Alam ng marami kung bakit namatay si FPJ. Ito ay nang madaya noong 2004 presidential elections na pinagwagian ni Gloria Macapagal-Arroyo. Ang anak niyang si Senador Poe ang tanging pag-asa na makapagbibigay ng katarungan sa pagkamatay ni Da King.

Hindi pa tapos ang laban ni FPJ kaya ipagpapatuloy ito ni Grace.
Kaya nga palagi niyang sinasabi na “marami pa tayong ipinaglalaban.” Kaayusan, kapayapaan, oportunidad sa mga kababayan, sapat na pagkain, trabaho at magandang edukasyon.

Sa tulong ng mga supporter ni Da King, hindi mabibigo ang senadora sa naiwang laban ng kanyang namayapang ama.