Abante Tonite Interactive

Paghahanda kay ‘Tisoy’: 100K nilikas sa Albay

0 309

Mahigit 100,000 mga residente ang inilikas sa lalawigan ng Albay at dinala sa ligtas na lugar dahil sa mga posibleng banta ng landslide, pagbaha at pagragasa ng lahar na nakadeposito sa bunganga ng bulkang Mayon bilang paghahanda ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) sa paparating na bagyong ‘Tisoy’ na inaasahang magla-landfall sa Bicol region.

Nabatid na ang mga inilikas na residente ay mula sa mga bayan ng Malinao, Guinobatan, Daraga, at Ligao City.

Nasa 2,000 mga pasahero naman ang stranded sa mga pantalan sa Matnog at Pilar, Sorsogon gayundin sa Pio Duran at Tabaco port matapos hindi payagan ng Philippine Coast Guard na makapaglayag pa ang mga Roll-On, Roll Off vessel at mga motor banca dahil sa panganib na maaa­ring abutin sa karagatan.

“We are on red alert status and we always aim for zero casualties in times of calamities”, pahayag naman ni Office of Civil Defense (OCD)Bicol Director Claudio Yucot.

Sa weather bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services (PAGASA) na inilabas alas-singko ng hapon nitong Linggo, tinatahak ng bagyong `Tisoy’ ang direksyon patungong Bicol region kung saan inaasahang magla-landfall ito Lunes ng gabi o Martes ng umaga.

Bandang alas-kuwarto kahapon ng hapon huling namataan ang sentro ng bagyong ‘Tisoy’ sa layong 595 kilometro silangan ng Virac, Catan­duanes,.

Nakataas na rin ang Signal No. 1 sa Aurora, silangang bahagi ng Nueva Ecija, Rizal, Bulacan, Laguna, Cavite, Batangas, Metro Manila, Oriental Mindoro, Signal no. 1 din sa Quezon kabilang ang Polillo Islands, Camarines Norte, Masbate kabilang ang Burias at Ticao Island, Marinduque, at Romblon Aklan, Capiz, Antique, Iloilo, Guimaras, hilagang bahagi ng Negros Occidental, Northern at Metro Cebu, Biliran, Leyte, Southern Leyte Dinagat at Siargao Island

Nakataas naman ang Signal No. 2 sa Camarines Sur, Catanduanes, Albay, at Sorsogon, Northern­ Samar at Eastern Samar. (Dolly ­Cabreza/Edwin Balasa/PNA)