Abante Tonite Interactive

Pagharang kina Clarkson, Blatche, Standhardinger nagpabwisit sa SBP bartolina!

By
4,905

May mas mabigat na dahilan ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na hindi maisapubliko kung bakit ura-uradang nagbago ang isip na umurong sa paglahok sa susunod na buwang 18th Asian Games 2018 sa Jakarta-Palembang, Indonesia.

Kung tinalak ni SBP president Alfredo Panlilio ang pag-atras, kinontra naman sila nang takbuhan nila sa pagbuo ng team na Philippine Basketball Association (PBA) base kay commissioner Wilfrido Marcial at ma­ging sa pito sa 12 governor.

Idinahilan ni Panlilio na naihatol nila ang nakayayamot na pasya dahil sa kahinaan ng team mula sa pagtetengang kawali ng International Basketball Federation (FIBA) sa apela nila sa suspensiyon ng 10 national player na nakipagjombagan sa Gilas Pi­lipinas-Australia Boomers game noong Hulyo 2, ang paghahanda na rin umano ng SBP sa co-hosting ng 19th FIBA World Cup 2023 kasama ang Japan at Indonesia, at ang pag-ayaw na rin umano ng komunidad ng basketbol.

Pero isang impormante ng Abante na taga-SBP na tumanggi lang magpakilala dahil baka malintikan kay big boss Manuel Pangilinan, ang nagbunyag ng aniya’y tunay na dahilan.

Ito aniya ay ang hindi siguradong makakalaro sa PHL quintet sina naturalized Andray Blatche sakaling ‘di pakinggan ang apela ng SBP, Fil-German Christian Standhardinger at Fil-Am Jordan Clarkson, na hindi umano natugunan ang reglamento sa Asiad cage rule.

Hinarang ng mayayamang China, Qatar at Iran ang tatlo at giniit na base sa AG basketball competition rule, lahat ng maglalaro sa isang team ay kailangan ng tatlong-taong residente na ng kanilang kinakatawang bansa, na sa parte ng tatlo’y parehong hindi natugunan ang mga ito.

“Napasama ang maagang announcement ng SBP kay Clarkson kaya siguro natakot ang China at iba pa. Kaya hinarang nadamay pa ang iba. Dapat tahimik na lang sa pagkilos sila,” pahabol pa ng opisyal.