Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pagiging Handa sa Panahong ‘Walang Kasiguruhan’!

0 213

Ipinagdiwang ng Simbahan kamakalawa ang Pista ni San Vicente Ferrer, isa sa pinaka-iibig na Patron ng mga Pilipino, lalo na sa mga probinsiya. Ang mga Kastilang sumakop sa Pilipinas ang nagpakilala kay Seńor San Vicente sa mga katututubo. Bagong tanghal na santo pa lamang ito nang sakupin ng mga Kastila ang Pilipinas nông 1521.

Sa paglalarawan ng mga manlilikha, kadalasang iginuguhit at inilililok si San Vicente bilang paring Dominikano na may hawak na libro at may pakpak. Marami ang nalilito kung bakit ang isang tagapagturo ng pananampalataya ay may pakpak tulad ng isang anghel. Gayunman, iginiit ng Simbahan, isang normal na tao tulad natin si San Vicente.

Ipinananganak si Vicente sa Valencia, Spain noong Enero 3, 1350. Dahil sa kaugnayan ng kanilang pamilya sa ‘Dominican Order’ sa kanilang lugar, hinangad ng bata maging isang paring Dominikano. Sa loob ng kumbento lumago ang kanyang pananampalataya at kaalaman, pinangarap ni Vicente maging isang tanyag na mangangaral.

Nagpakadalubhasa si Padre Vicente sa iba’t ibang wika at diyalekto. Ginamit niya ang kanyang talento at husay sa pagsasalita, sa kanyang pangangaral at paglilibot sa mga bansa sa Europa. Bukod sa pangangaral marami din ang nagpatotoo na kaya niyang gumawa ng mga himala katulad ng pagpapagaling sa mga maysakit.

Napakarami ang nahikayat ni San Vicente sa kanyang misyon. Dahil sa kanya lumaganap ang kagustuhan ng mga tao na kusang gumawa ng penitensiya bilang prueba ng kanilang pagbabalik-loob at pagsisisi. Maraming mga makasalanan, mga Hudyo at mga walang pananampalataya ang naakay niya sa Diyos at sa Simbahan.

Isang malungkot na pangyayari sa panahon ni San Vicente ang tinaguriang “Western Schism” o paninirahan ng mga Santo Papa hindi sa Roma kundi sa Avignon, France. Noong simula ay sinusuportahan niya si Papa Benito XIII sa Avignon ngunit binawi niya ito nang malaman na tila ayaw ng Papa maputol ang maling pananatili nito sa France.

Hindi pinakinggan ng tatlong Papang nagaagawan sa puwesto ang pakiusap ni San Vicente na magbitiw. Sa huli, nagkaisa ang buong Simbahan sa Council of Constance noong 1415 na pagbitiwin ang mga nagtutunggaling Papa at iluklok si Pope Martin V bilang bagong Santo Papa. Dito nagtapos ang schism. Makalipas ng apat na taon, pumanaw si Vicente at itinanghal na Santo ng Iglesya Katolika noong 1455.

Saad ng Simbahan, “The happy solution to the schism is another proof that the Church will never flounder on the rocks of human ambition, internal dissension or external persecution. The Boat of Peter will weather every storm and emerge unscathed as it is steered by Jesus Christ himself.”

Pero bakit nga ba may pakbak si San Vicente Ferrer? Ito ay dahil sa kanyang pangangaral tungkol sa mga huling sandali ng mundong ito, kung kailan dapat aniya’y mabuhay ang tao ayon sa kalooban ng Diyos at iwanan ang likong pamumuhay. Inihahambing, samakatuwid si San Vicente sa anghel na maghuhudyat ng pagdating mga wakas ng daigdig sa Aklat ng Pahayag.

Nawa ngayong panahon ng pandemya, isaisip natin tulad ni San Vicente Ferrer ang duo ng ating buhay, dahil talaga naman darating at darating ang huling sandali na hindi natin namamalayan. Nawa maging handa tayo sa panahon ng walang kasiguruhan, katulad ng kasalukuyan! Ipinagdiriwang ang Pista ni San Vicente Ferrer tuwing Abril 5.

San Vicente Ferrer, Ipanalangin Mo kami.

Leave A Reply

Your email address will not be published.