Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pagkain taas-presyo sa gitna ng pandemya

0 77

Kaagad na binakbakan ng mga konsyumer ang tanggapan ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez matapos na aprubahan ang taas-presyo sa ilang batayang bilihin na aabot sa 3-5% base sa inilabas nitong bagong listahan ng mga suggested retail price (SRP) noong Agosto 29.

Nabatid na ito ang unang pagtataas ng SRP na binasbasan ng DTI sa loob ng halos dalawang taon.

Itinuturing naman ng Laban Konsyumer Inc. na panlilinlang ang bagong labas na SRP dahil nag-iba na ang laman nito mula sa listahan noong Setyembre 2019 at mahirap na ikumpara pa sa dati.

Ang pagtanggal umano ng ilang item sa SRP ay basbas na rin halos sa mga manufacturer na magtaas ng presyo dahil hindi na ito imo-monitor ng DTI at wala nang SRP.

“Deceitful,” komento ni Laban Konsyumer Inc. president Vic Dimagiba tungkol sa SRP na nilabas ng DTI nitong Agosto 29, 2021.

Aniya, may mga nasa listahan noong Setyembre 30, 2019 na wala na sa bagong labas na SRP. Sa evaporated milk, halimbawa, pito noon ang nasa listahan ngunit isa na lang sa bagong listahan ng DTI.

SM food to go Banner Ad

Sa tinapay, wala nang branded dinagdag sa Pinoy Tasty at Pinoy pan de sal.

Sa obserbasyon ni Dimagiba, 50 hanggang 75 sentimo ang taas-presyo ng sardinas sa bagong listahan at nagmahal ang kondensada ng 50 sentimo hanggang P1.25. Tinanggal din ng DTI sa listahan nito ng condensed milk ang brand na Alaska at Milkmaid at isang brand lamang ang ipinalit na Jersey.

Sa powdered milk, 50 sentimo hanggang P1.35 ang taas-presyo. Tumaas ang presyo ng powdered coffee ng 60 sentimo at nagmahal naman ang 3-in-1 coffee ng 50 sentimo.

Aniya, hindi napapanahon ang pagtaas ng mga bilihin lalo na’t nandiyan pa rin ang pandemya at kaaalis lang ng price freeze na ipinatupad dahil sa state of calamity.

Diin ni Dimagiba, maliit man sa iba ang 3-5% na taas-presyo ng mga bilihin ay masakit ito sa bulsa ng maraming pamilya. Magkakaroon din aniya ng epekto ito sa inflation. (Eileen Mencias)

Leave A Reply

Your email address will not be published.