Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pagkait sa Prangkisa

0 1,037

Matapos ang makasaysayang boto sa Committee on Legislative Franchises ng Kamara na nagbasura sa aplikasyon para sa bagong prankigsa ng ABS-CBN, ang pinakamalaking brodkaster ng telebisyon at radyo sa bansa, napapanahon ang pagmumuni-muni sa mga naganap upang humalaw ng ilang punto.

Una, malinaw na si Pang. Duterte ang puno’t dulo ng pagkait ng prangkisa sa ABS-CBN. Meron pa bang naniniwala sa deklarasyon ni Presidential Spokesperson Harry Roque na nanatiling nyutral o walang kinikilingan ang Pangulo sa isyu at nirerespeto ng Malacanang ang pasya ng Kongreso bilang kapantay na sangay ng gubyerno? “Your franchise will end next year. If you are expecting that it will be renewed, I’m sorry. You’re out. I will see to it that you’re out.” Ganyan ang binitiwang banta ni Duterte noong Disyembre 2019. Sa pamumuno ni Speaker Alan Peter Cayetano, tinupad ng supermajority ng Pangulo ang kanyang kahilingan nitong Hunyo.

Pangalawa, lumalabas na isa lamang teleseryeng walang saysay ang 14 na hearing na isinagawa ng Kamara. Layunin lamang ng mga hearing ang ilatag ang mga argumento at alegasyon na gagamitin ng Kamara bilang tungtungan para ipagkait ang prangkisa. Hindi kasama sa layunin ang tuklasin ang katotohanan hinggil sa samu’t saring isyu na pinukol ng mga kongresistang nagsilbing asong pangsalakay ng administrasyon. Isinantabi ang mga pahayag mismo ng mga ahensiya ng gubyerno na walang nilabag ang ABS-CBN sa mga kondisyon ng kanilang prangkisa o iba pang batas.

Pangatlo, garapalang pinahayag ng mga kongresistang tutol sa pagbibigay ng prangkisa na hindi katanggap-tanggap sa kanila ang pag-uulat ng ABS-CBN na pumupuna sa mga patakaran at pagkilos ng pamahalaan, at laluna sa mga pinagpipitaganang opisyal ng gubyerno, kabilang silang mga kamahalang kongresista. Tunay ngang atake sa malayang pamamahayag ang pagpapasara sa ABS-CBN.

Pang-apat, may pupuno kaya sa higanteng puwang na nabakante sa pagpapasara ng ABS-CBN, ang pinakamalaking taga-ulat ng balita at prodyuser ng entertainment sa buong kapuluan? Dapat patuloy na subaybayan ang magiging kilos ng Kongreso kaugnay sa mga frequency para sa telebisyon at radyo na dating nakatoka sa ABS-CBN. Igagawad kayo ito sa iba? Kung oo, kanino? Tapos na ba ang kalbaryo ng mga Lopez na may-ari ng ABS-CBN? O patuloy silang gigipitin upang isuko rin ang imprastruktura, kagamitan, tauhan, at talento ng kanilang kumpanya sa kung sinong malaking negosyante na may basbas ng kataas-taasan?

Panglima, muling pinagtitibay ng mga pangyayari ang aral mula sa ating kasaysayan: lumilikha ng pagtutol ng mamamayan ang paniniil ng nasa kapangyarihan. Dahil sa pagratsada sa mapanupil na Anti-Terror Law at pagpapasara sa ABS-CBN, sa gitna ng rumaragasang pandemya at walang kapantay na krisis sa ekonomiya, lumalawak ang hanay ng mamamayan na namumulat at natutulak na lumaban sa mga galawang pasista ni Pang. Duterte at kanyang mga kasapakat.

Leave A Reply

Your email address will not be published.