Abante Tonite Interactive

Pagkakabuking ni Faeldon may buting dulot

0 404

Unti-unting nababawasan ang galit ng netizen sa sinibak na si dating Bureau of Corrections (BuCor) Director Undersecretary Nicanor Faeldon dahil sa mga pasabog na iregularidad sa New Bilibid Prison (NBP).

Oo nga’t nadawit si Faeldon dahil sa muntikang paglaya ni convicted murder-rapist at dating Calauan Mayor Antonio Sanchez pero may buti itong idinulot dahil mas maraming kalokohan sa Bilibid ang nalalantad sa publiko.

Katulad na lamang ng pagkakasama ng pork barrel queen na si Janet Lim Napoles sa listahan ng mga preso na maaaring mapaaga ang paglaya sa ilalim ng Good Conduct Time Allo­wance (GCTA).

Alinsunod sa lumabas na listahan ng mga maaaring gawaran ng kalayaan, ‘rape’ ang kaso ni Napoles at hindi ang plunder na siyang tunay na kaso dahil sa Priority Development Assistance Fund o PDAF scam.

Habambuhay na pagkakakulong ang parusang ipinataw kay Napoles.

Malinaw na dumi­diskarte ang mga taga-BuCor para gamitin ang GCTA para sa kanilang mga kapakinabangan.

Kaya ngayong na­lantad ang katulad ng kalokohang ito, hangad nating magamit ng Kongreso ang kanilang power na lumikha ng batas na hahadlang sa mga nakakasukang nangyayari ngayon sa BuCor.
***
Maraming kritiko si House Speaker Alan Peter Cayetano. Marami ang kumontra nang siya ang basbasan ni Pangulong Rodrigo Duterte para maging House Speaker kahit kalahati lamang ang kanyang magiging termino.

Ang mga kritikong ito’y nakaabang kung saan kahit katiting na kapalpakan ng Kamara sa ilalim ng liderato ni Cayetano ay tiyak na kanilang palalakihin at pagpipiyestahan. Pero naniniwala kaming sa ipinapakita ngayon ni Cayetano ay walang ibang opsyon kundi magsitahimik ang mga kritikong ito.

Ito’y dahil araw-araw pinapatuna­yan ni Cayetano na karapat-dapat siyang maging lider ng Kamara. Hindi pa man nag-iinit ang puwetan ng mga kongresista sa kani-kanilang upuan sa Kamara ay nakatatlong priority bills na agad sila. Naipasa kaagad ang tatlong priority bills kahit aba­lang-abala ang mga kongresista sa budget deliberations.

Una ay inaprubahan ang panukalang batas na may layu­ning dagdagan ang excise taxes para sa alcohol, tobacco at vaping products at kasunod nito ang House Bill No. 304 o ang ‘Passive Income and Financial Intermediary Taxation Act’ at HB 300 o ang ‘Amendment of the Foreign Investments Act’.

Kaya hindi dapat maliitin ang effort ng mga kongresista sa paspasang pagta­lakay sa budget dahil tiniyak ng Kamara na bubuo sila ng natio­nal budget na walang bahid ng korapsyon, walang pork, walang parking at walang palulusuting iregular na insertions.

Mahaba-haba pa ang termino ni Ca­yetano kaya marami pang mangyayari. At naniniwala kaming hindi sisirain ni Ca­yetano ang kanyang binitiwang salita at pangako. Hindi niya gugustuhing sumaya at magpiyesta ang kanyang mga kritiko. Pero higit sa lahat, hindi niya gugustuhing masira ang positibong pagtingin sa kanya ng samba­yanang Pilipino!