Abante Tonite Interactive

Pagkakaisa sa gitna ng pagkakaiba

By
227

Isa sa ipinagpapasa­lamat ng mga nasa likod ng pagsalba sa mga kababayan nating naiipit ngayon sa karahasang nangyayari sa Marawi City ay ang pana­naig ng pagkakaisa sa kabila ng pagkakaiba ng relihiyon at paniniwala.

Ayon nga sa isang nai­ligtas ng itinatag na ‘Peace Corridor’ labis ang kanyang pasasalamat dahil nakaligtas siya.

Ganito ang kanyang naging mensahe: “Ang una po nagpasalamat ako sa Lord, at of course sa GPH-MILF Peace Corridor kasi sila yung naging tulay para makalabas kami dito. At sila din yung nagbigay samin ng lakas ng loob na umalis dun sa pinagkakataguan namin.”

Abante Hiring – IT dep

Dahil sa puspusang pagkilos ng Peace Corridor volunteers mula sa panig ng gobyerno at Moro Islamic Liberation Front (MILF) ay muli na naman silang nakapagligtas ng apat na na-trap na mga sibil­yan sa Banggolo sa siyudad, dahilan upang maitala na sa 221 ang mga naisasalbang mga naipit na kababayan sa Marawi City.

Ang mga sibilyang hu­ling nailigtas ay kinabi­bilangan ng tatlong Maranaos, at isang Kristiyano.

Naisalba ang mga ito sa bahagi ng Banggolo sa pakikipagtulungan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pangunguna ni Lieutenant General Carlito Galvez, Commander ng Western Mindanao Command.

Ang mga sibilyan ay naipit sa Brgy. Moncado Colony simula nang sumiklab ang karahasan.

Ayon sa opisyal ng militar natunton ang kina­roroonan ng mga na-trap matapos na ipinagbigay-alam sa kanya ng isang kababayang Kristiyano na may na-trap sa lugar partikular sa City Jail kung saan sila nagtatrabaho isang araw bago sumiklab ang kaguluhan.

Kapag hindi umano agad naipaalam sa tropa ng gobyerno ang kalagayan ng mga naipit sa giyera ay malamang na hindi sila nakaligtas.

Kaya nanaig ayon sa opisyal ang pagtutulu­ngan at naging dahilan para makapagsalba ng mara­ming sibilyang naipit sa kaguluhan.

Ang ‘Peace Corridor’ ay itinayo sa tatlong kilometro ng Banggulo Bridge hanggang Quezon Avenue para isagawa ng retrieval operations. Ito ay produkto ng matibay na pagtutulu­ngan ng gobyerno at MILF.

Matatandaang hu­ling linggo ng Mayo nang pagplanuhan ang ‘Peace Corridor’ nang makipagkita nang personal si MILF Chair Al Haj Murad Ebrahim sa tulong ni Presidential Peace Adviser Sec. Jesus G. Dureza kay Pangulong Rodrigo Duterte para talakayin ang konsepto ng Peace Corridor.

Napakahalaga ng pagkakatatag sa ‘peace corridor’ dahil sa pamamagitan nito ay nakakilos ang gobyerno sa tulong nga MILF para mai-safety ang ilang kababayang naipit sa kaguluhan.

Hangad natin ang mas marami pang buhay na maisalba sa pamamagitan ng ‘peace corridor’.