Abante Tonite Interactive

Pagkaladkad sa yumaong male personality ‘di ikinatuwa ng pamilya

0 250

HINDI lang sila nagsasalita, pero ayon sa aming source ay hindi nagugustuhan ng pamilya ng isang pumanaw nang male personality, ang pagkaladkad sa kanyang pangalan.

Matagal na panahon nang nananahimik ang kaluluwa ng aktor, natanggap na rin ng kanyang pamilya ang biglaan niyang pagkawala, kaya hiling nila na sana’y huwag nang idinadamay pa ang aktor sa kung anu-anong kontrobersiya.

Sabi ng aming source, “Saka alam naman ng publiko kung ano talaga ang nangyari, isarado na lang sana ang librong ‘yun, dahil nananahimik na ang kaluluwa nu’ng tao.”

‘Yun lang. Hanggang du’n lang.

Female celebrity hunyango

NAKAKATAWA ang kuwento kung gaano kabilis magpalit ng kulay ang isang kilalang female personality. May panahon palang sumbong siya nang sumbong sa kanyang mga kapamilya tungkol sa kawalanghiyaan kuno ng kanyang kadugo.

“Galit na galit siya, pinagmumukha raw siyang kawawa, inaabutan lang daw siya ng one thousand pesos kapag nagkikita sila, kulang na kulang pang panggasolina niya ‘yun!

“Kung anu-anong pintas ang sinasabi niya, walanghiya raw ang relative niyang ‘yun, pero ang dami-daming pera! Tapos, biglang sila na ang nagkampihan nu’ng magkaroon ng gulo sa family nila!” nawiwindang na kuwento ng aming source.

Ang dahilan kuno ng lahat ay ang bundle of joy na tinatanggap ngayon ng female personality mula sa dating pinipintasan niyang kadugo.

“Hindi naman kasi totoo ‘yung kuwento niya tungkol sa isang libo. Hindi totoo ‘yun! Kapag nagkikita sila, e, dukot lang nang dukot ng datung ang inirereklamo niyang babae!

“Bundle kung bigyan siya, meaning, one hundred thousand pesos, hindi isang libo na isinusumbong niya sa mga relatives nila!

“Lalo na ngayon na nagkakampihan sila, what do you expect? E, ‘di mas maraming bundles ang tinatanggap niya mula sa dati, e, sinisiraan niyang babae?

“Hay, napakabilis niya talagang magpalit ng kulay, isa siyang hunyango!” tawa nang tawang kuwento ng aming impormante.

Ha! Ha! Ha! Ha!

Julia winawasak para walang masandalan si Marjorie?

KUNG titingnan nang malayuan ang magkakapatid na Barretto ay parang si Marjorie ang may pinakasimpleng buhay. Simple, pero masaya, simple pero kumpleto.

Maaaring kumpara kay Gretchen ay salat siya sa yaman pero ang pagkakaroon niya naman ng mga anak na madisiplina at mapagmahal ay sobra pa sa sapat na kayamanang maituturing.

Malaki ang naitutulong sa kanya ngayon ni Julia, kumbaga sa produkto ay mabenta sa merkado ang kanyang dalaga, hindi na niya kailangan pang humingi ng tulong kaninuman ngayon dahil matanaw sa magulang si Julia.

Hindi nito sinosolo ang kanyang mga biyaya, walang eksaktong halagang inilalambing sa kanya si Marjorie buwan-buwan bilang tulong, pero mapuso ang kanyang panganay.

Naisip lang ng kaibigan naming propesor sa isang pagkukuwentuhan namin, “Hindi kaya ang success ni Julia ang ipinanggigigil ng mga tiyahin niya? Inuupakan kasi nila ‘yung bata, kung anu-anong kuwento ang inilalabas nila na makasisira sa image ni Julia.

“Hindi kaya ang gustong mangyari ng mga tita niya, e, ang masira na nang tuluyan ang image niya para walang masandalan si Marjorie?

“Baka kasi ang gusto ni Gretchen, e, sa kanya na lang umasa si Marjorie, baka lang naman, ha? Pero dahil nand’yan si Julia na mabait na anak, e, hindi na sila kailangan ni Marjorie, hindi kaya?” may katwiran ang katwiran.

Puwede. Kahit itago pa ang mga pangyayari ay may nagpatunay kung gaano kabuting anak at apo si Julia Barretto. Ibang tao ang nagsasabi, hindi ang kanyang ina, na nu’ng maospital ang kanyang lolo hanggang sa binawian na ng buhay ay napakahalaga ng tulong na ibinigay ni Julia sa pamilya.

Puwede nga.