Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pagkalungkot, panghihinayang kay Ping

0 127

Natapos na ang termino ng mga kasapi ng ika-18 Kongreso ng bansa kaya kanya-kanyang paalaman na ang mga naging miyembro nito sa Mababa at Mataas na Kapulungan ng Kongreso.

Ang ilan ay pansamantala lamang ang naging pamamaalam dahil pinalad na manalo sa reeleksiyon nitong nakalipas na halalan.

Sa klase ng pamamaalam ng bawat isang kongresista o senador man, makikita at mararamdaman kung sino ang tumatak sa mga institusyon na kanilang pinaglingkuran ng tatlo at anim na taon (tatlo sa Kamara at anim sa Senado).

Sa Senado, pinakatumatak na siguro ang aking idolo na si Senador Panfilo Lacson dahil sa mga impormasyong aking nasasagap, sa loob ng huling tatlong araw ng nalalabing sesyon nitong nakalipas na linggo ay sobrang naging abala siya at tila daw bumalik sa campaign mode ang naging aktibidad ng batikang mambabatas.

‘Yun nga, kaliwa’t-kanan daw ang naging kaabalahan ni Senador Ping dahil walang humpay ang pag-akyat ng mga empleyado ng Senado sa kanyang tanggapan upang magpalitrato, mapasolo o grupo para sila ay magkaroon ng souvenir sa mambabatas.

Pansin na pansin ito sa mga social media accounts ng mga kawani ng institusyon kaya talagang ramdam na ramdam ang kanilang pagmamahal at pagpapahalaga sa batikang mambabatas na una nang nagpahayag na uuwi na siya sa kanyang tahanan matapos ang napakahabang malinis at walang sing-tapat na paglilingkod sa gobyerno at sa mamamayan.

Mula sa isang ordinaryong estudyante nangarap maging abogado ay naging kadete siya ng Philippine Military Academy, naging hepe ng Philippine National Police, naging miyembro ng lehislatura ng bansa bilang senador mula noong 2001 hanggang 2013 at 2016 hanggang sa kasalukuyang taon.

At sa hinaba-haba ng paglilingkod niya sa gobyerno ay napanatili niya ang kanyang malinis na reputasyon dahil hindi siya nasangkot sa kahit na kaliit-liitang eskandalo ng katiwalian na halos ay dalawa singko lamang kung ikukumpara sa ibang naging miyembro at opisyal ng pamahalaan.

Maraming ang nanghihinayang kay Senador Ping dahil sa kabila ng kanyang pagiging seryoso sa pag-alok ng malinis at masasandalang pamahalaan sa pamamagitan ng pagtakbo bilang presidente sa nakalipas na halalan ay iba ang pinagtuunan ng atensiyon ng karamihan sa ating mga botante.

Hindi na siguro dapat pang balikan ang naging desisyon ng nakakarami sa atin dahil tapos na rin naman ang lahat ang mas dapat nating gawin ay maging mapagbantay at maging mapagpuna na lamang tayo sa mga kapuna-punang galaw ng susunod na gobyerno.

Sa panig ni Senador Ping, sa wakas ay magkakaroon na siya ng sapat na panahon para sa kanyang sarili, sa pamilya at sa mga apo dahil kitang kita naman na siya ay mapagmahal na lolo sa mga ito.

Nakakalungkot, nakakapanghinayang dahil ang talagang kailangan ng bansa sa ilalim ng kasalukuyang situwasyon ay siya.

Leave A Reply

Your email address will not be published.